Tinatawag na ‘nonuplets,’ 25-anyos na babae sa Mali nagsilang ng siyam na sanggol

Imahe mula Freepik
  • Isang babae sa Mali, West Africa ang nanganak ng siyam na sanggol,  tinatawag itong”nonuplets”
  • Pinaniniwalaang “extremely rare” ang ganitong klaseng pagbubuntis at panganganak lalo pa at mataas ang tyansang hindi maka-survive ang lahat ng sanggol
  • Ayon sa health minister nanganak ang ginang ng limang babae at apat na lalaki

Nakabibilib na kung ang isang babae ay nanganak ng triplets dahil bihira itong mangyari. Subalit paano kung ang ipinanangak na sanggol ay hindi lamang tatlo o anim kundi siyam? Ang ganitong bilang ng nailuwal na anak ay tinatawag na “nonuplets” at maituturing itong “extremely rare” lalo na sa ibang bansa.

Imahe mula Freepik

Matatagpuan ang bansang Mali sa West Africa. Ito ay maituturing na pangwalong pinakamalaking bansa sa Africa kaya malaki rin ang bilang ng populasyon dito. Kamakailan ay lumabas ang balita na isang ginang sa Bamako, Mali ang nagluwal ng siyam na sanggol o nonuplets.

Inilipad mula Mali papuntang Morocco ang 25-anyos na si Halima Cisse upang doon mas maalagaan at maasikaso sa panganganak. Galing si Cisse sa hilagang bahagi West African state kung saan mahirap ang kalagayan ng pamumuhay.

Sa isinagawang ultrasound sa Mali at Morocco, pinaniniwalaang pitong sanggol ang dinadala ni Cisse, kaya laking gulat ng mga doktor nang magluwal ito ng siyam na anak. Ayon sa ulat, ang ganitong klaseng panganganak ay extremely rare lalo na ang tagumpay ng delivery at survival ng mga sanggol.

Imahe mula Freepik

Ayon kay Moroccan health ministry spokesman Rachid Koudhari, ang kaso ni Cisse ay ang kauna-unahan sa Moroccan hospital. Ayon naman sa Mali Health Minister Fanta Siby, nagluwal ng limang sanggol na babae at apat na lalaki ang ginang via Caesarean section.

Sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan si Cisse at ang kanyang siyam na anak. Inaasahang makababalik na sila sa Mali sa mga susunod na linggo. Subalit labis na nag-aalala ang mga doktor sa kalusugan ni Cisse at ang tsansa ng kanyang mga anak na maka-survive.

Nagpasalamat naman ang Mali health minister sa matagumpay na panganganak na isinagawa ng “medical teams of Mali and Morocco, whose professionalism is at the origin of the happy outcome of this pregnancy.”

I-CLICK ang imahe para sa video ng BBC via YouTube: