
- Sampung miyembro ng isang pamilya mula sa Cavite ang dinapuan ng COVID-19
- Mayroong severe at mild symptoms sa mga nagpositibo sa COVID-19 kaya lubos ang kanilang pag-aalala
- Kaya laking pasasalamat nila nang makarekober ang lahat ng miyembro na nagpositibo sa virus at hindi rin nahawa ang pinakabatang miyembro ng pamilya
Isa na marahil sa pinakakinatatakutan ng pamilya sa panahon ngayon ay ang magkahawaan ang mga miyembro sa COVID-19. Matatandaan na nagbabala na ang Department of Health sa mataas na posibilidad ng hawaan sa loob ng tahanan kaya iminumungkahi nila ang pagsusuot ng face mask kahit nasa loob lamang ng bahay.

Sa ibinahagi ng GMA News Facebook page kamakailan, isang pamilya mula Imus, Cavite ang may nakatatakot na karanasan tungkol sa COVID-19. Sampu kasi sa kanilang mga miyembro ay dinapuan ng virus kabilang na ang pinakamatanda nilang kasamahan sa bahay.
Ayon sa kuwento ni Angie Lopez, isa sa mga miyembro na nagpositibo sa COVID-19, dinala sa ospital ang kanyang ina, tita, at ang 70-anyos na lola matapos dapuan ang mga ito ng coronavirus. Dahil sa kanyang edad, na-admit sa ICU ang kanyang lola dahil sa komplikasyon.
Itinuring na severe cases ang kanyang ina, tita, at lola. Subalit sa kanilang tatlo, ang kanya umanong ina ang pinakamalubhang tinamaan dahil nakaranas ito ng dalawang seizures at isang linggo rin itong hindi nakagalaw.

Samantalang pito pang miyembro ng kanilang pamilya, kabilang si Angie, ang nagpositibo sa COVID-19. Dahil tagged as mild case lamang ang pitong miyembro ay pinag-home quarantine sila.
Dahil positibo rin si Angie sa COVID-19 ay pinayagan itong manatili sa ospital kung saan ay inalagaan niya ang kanyang ina. Subalit hindi rin umano ito naging madali dahil may sintomas din siya ng virus.
Bagama’t naging mataas ang transmission ng COVID-19 sa kanyang pamilya, milagrong maituturing nina Angie na hindi nahawa ang pitong taong gulang na miyembro ng kanilang pamilya na mayroong malubhang karamdaman sa puso.
Mahirap man ang mga pinagdaanan, nakayanan ng pamilya ni Angie ang malaking pagsubok na ito. Nakarekober ang lahat ng sampung miyembro na dinapuan ng COVID-19. Paalala nila sa publiko, manatiling mag-ingat dahil ang COVID-19 ay nasa paligid lang.