
- Usap-usapan ngayon ang video ni Robin Padilla sa social media tungkol sa pag-swab niya sa sarili
- Ayon kay Robin, wala pang nurse na sana’y magsasagawa ng swab test kaya siya na mismo ang gumawa, nagbigay pa sila ng ilang tips
- Naging isyu naman ito sa ilang netizen na nagsabing hindi pinapayagan ng DOH ang “self swab”
Malimit na mag-post ang mga personalidad at celebrities sa tuwing dumadaan sila sa proseso ng swab testing. Ang ilan sa kanila ay may mga nakaaaliw na reaksyon kahit na ilang beses nang sumailalim sa swab test.

Subalit kakaibang proseso ng swab test ang ibinahagi sa social media ng action star na si Robin Padilla. Imbes kasi na medical staff ang magsagawa ng swab test ay siya mismo ang gumawa nito sa sarili.
Kuwento ni Robin, mag-uumpisa nang maaga ang kanilang trabaho subalit wala pang nurse na magsasagawa ng swab test.
“6 ng umaga mag-umpisa na kami ng trabaho pero wala pa ang nurse. Hindi dahilan sa mga mandaragat ang walang nurse, kailangan isagawa ang covid test,” ayon sa caption ng aktor.
Makikita sa video na dahan-dahan niyang pinasok ang swabbing stick sa ilong at pinaikot-ikot ito. Nagbigay pa siya ng tip kung paano gawin ang “self service swab test.”

“Basta isaksak mo ang swab stick hanggang sa dulo at makiliti mo ang utak mo, at kapag naluha ka na tsaka mo iikot ng 5 hanggang 8 segundo yun na raw ‘yun,” ani pa ni Robin. Makikita naman sa video na nakapikit siya habang pinapakiramdaman ang swab stick sa ilong.
Bagama’t maraming netizen ang naaliw sa video ng beteranong aktor, mayroon ding mga nagkuwestiyon kung pinapayagan ang pagsa-swab test sa sarili. “Is that allowed?” ani ng isang komento.

Ayon sa ibang netizens, pinapayagan ang self-service swab test sa ibang lugar tulad ng Amerika at Europe.
“Dito sa states it’s allowed my daughter do it by herself weekly covid test sila kasi in person class na dito,” ani ng isang netizen. “Dito po sa europe meron nabibili sa mga pharmacies na mga testing kit,” ayon naman ng isa.
Isang netizen naman ang nagsabing hindi pinapayagan dito sa bansa ang self swab tulad ng ginawa ni Robin. “Hindi po okay ang ginawa niya! Because in the Philippines using rapid antigen kits should be done by professionals only po as per DOH (Department of Health),” ani ng isang netizen.