
- Isang lalaking guro na OFW ang pumunta sa China upang magturo sa paaralan
- Dumaan sa legal na proseso ang nasabing guro, hanggang sa pagpunta niya sa China ay nag-iba ang kanyang destinasyon
- Huli na nang malaman ng guro na ilegal pala ang kanyang pagtatrabaho dahil na rin sa kagagawan ng Chinese employer
Puno ng pag-asa ang guro na si Aliomar Apad nang lumipad ito papuntang China upang doon magtrabaho. Sumailalim sa legal na proseso si Apad na isang rehistradong OFW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Lisensyado rin ang recruitment agency na nagpadala sa kanya sa China.

Nang makarating sa China noong June 2019, biglang nagbago ang unang sinabi sa guro na ito ay magtuturo sa isang paaralan sa Yantai. Kinuha umano ng kanyang Chinese employer ang pasaporte at iba pang dokumento ni Apad at itinalaga siyang magturo sa isang paaralan sa Weifang province.
Sinunod ni Apad ang mga hiniling ng Chinese employer at nagturo ito sa Weifang. Ang buong akala ng guro ay legal siyang nagtatrabaho doon dahil sa kanyang mga legal na dokumento. Subalit isang araw, bigla na lamang siya umanong pinagtago dahil nagkaroon umano ng “police check” sa paaralan kung saan nagtuturo si Apad.
“Nung time na ‘yun kinakabahan ako. Bakit ako nagtatago eh legal ako,” ani Apad sa kanyang panayam sa Balitanghali ng GMA News TV. Sa pagkakataong ‘yun ay saka lamang nalaman ni Apad na ilegal pala ang kanyang pagtatrabaho sa China kaya naman agad siyang nagsabi na magre-resign.

Subalit nang magsumite ng resignation letter, hindi umano pumayag ang paaralan dahil mayroon siyang babayaran na 50,000 Chinese Yuan o katumbas ng P350,000. Kaya walang nagawa si Apad kundi tapusin ang kanyang kontrata hanggang nitong January 2021.
Laking gulat pa ng guro na nang ibalik sa kanya ng paaralan ang kanyang pasaporte ay pinunit ang pahina kung saan nakalagay ang kanyang valid residence permit. Ngayong ay nakikitira na lamang si Apad sa mga kaibigan sa China at naubos na rin umano ang kanyang ipon.

“Sinabi ko na ilalaban ko ‘to, ‘di ako tinutulungan ng embassy. Sabi nila kung kaya ko punta raw ako sa immigration. Sabi ko kailangan ko tulong nila,” ani pa ng guro. Nagsabi naman si Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana na tutulungan nila si Apad.
Nais naman panagutin ng POEA ang recruitment agency dahil sa nangyari sa guro.
“Ang nangyari is ‘yong Chinese employer niya, hindi sumunod sa usapan kung saan siya magtatrabaho. Nagkaroon ng paglipat na hindi naaayon sa rules ng POEA at doon sa ibinigay na visa sa kaniya ng China kaya siya nagkaproblema,” ani POEA Undersecretary Bernard Olalia.
Nawa’y mailagay na sa ayos ang lahat para sa guro na ang tanging hangad ay maayos na trabaho.