Pia Wurtzbach nakiusap na tanggapin na ang pagkapanalo ni Miss Mexico: ‘Sana maging sport tayo’

  • Sa live streaming ng kanyang YouTube channel, pinag-usapan ni Pia Wurtzbach at ng iba pang Pinay beauty queens ang katatapos na 69th Miss Universe pageant
  • Dito sinabi ni Pia na labis siyang nalunggkot sa pagkatalo ni Rabiya Mateo subalit nirerespeto niya ang desisyon ng judges
  • Hiniling naman ni Pia sa Pinoy fans na tanggapin na lamang ang resulta ng Miss U pageant at maging marespeto sa candidates

Ilang araw na ang nakalipas nang maganap ang 69th Miss Universe pageant sa Amerika subalit usap-usapan pa rin ng maraming fans ang tungkol sa naging resulta. Kinoronahan na Miss Universe si Miss Mexico Andrea Meza na ikinataas ng kilay ng ilang Pinoy fans.

Imahe mula kya Rabiya Mateo via Instagram

Dahil sa dami ng bashing na mababasa sa social media, naghayag ng kanyang saloobin si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa kanyang live streaming sa YouTube channel na may pamagat na “Miss Universe 2020 Post-Coronation Queentuhan.”

Sa kanyang live stream ay nakakuwentuhan ni Pia sina 2014 Bb. Pilipinas-International Bianca Guidotti at Mutya ng Pilipinas Intercontinental 2010 Carla Lizardo. Dito ikinuwento ni Pia ang pagkadismaya dahil sa naging aksyon ng ilang fans matapos hindi manalo ni Rabiya Mateo.

“I don’t like that hinihimay natin nang sobra ‘yung competition kasi hindi natin matanggap ‘yung winner or ‘yung fate nung candidate natin. Sana maging sport tayo. Kasi I read some comments na ‘binili’ daw, dahil ‘madaming Latina sa judges,” ani Pia.

Imahe mula YouTube

Matatandaan na walo ang hurado sa naganap na Miss U pageant, at lahat sila ay kababaihan. Dalawa sa mga hurado ay may lahing Latina, isa ang Canadian, isang Hawaiian, isang Korean-American, isang South Asian, at dalawang American.

Ayon kay Pia, hindi patas na kuwestiyunin ang napili ng judges. “Huwag natin i-doubt ‘yung organization. Kasi wala nang manonood ng Miss Universe kung luto ito. ‘Yun talaga ang napili ng judges. Siya [Andrea] ‘yung nanalo. It’s her destiny. Let’s shake hands and mean it, congratulations, you know… and accept defeat.”

Imahe mula Instagram

Maski siya umano ay labis na nalungkot nang hindi nakapasok si Rabiya sa top 10. Aniya, tutok siya kay Rabiya kaya wala siyang komento sa ibang candidates.  “I don’t know. Maybe because she [Rabiya] was our bunso… Parang you feel like you wanna look after her.”

Hindi man nanalo ang pambato, tanggap pa rin umano ni Pia ang naging resulta ng pageant, “may kaunting kirot pa rin kay Rabiya, but I’m happy with how the pageant turned out. I’m excited for Andrea and I mean that.”