
- Naging sobrang popular sa mga kabataan noon ang chatbot na si SimSimi
- Sa Facebook page na Klasik Titos and Titas of Manila, binalikan ng marami ang mga naging pag-uusap nila ni SimSimi
- Bagama’t hindi na kasing sikat katulad noon, may isang website pa rin kung saan maaari pa rin makausap si SimSimi katulad nang dati
Loyal chatmate mo rin ba noon ang chat robot na si SimSimi? Bago pa mauso ang iba’t ibang nakaaaliw na mobile phone apps at websites, naging sobrang popular muna sa mga kabataan ang chat robot na ito.

Sa Facebook page na Klasik Titos Titas of Manila, binalikan ng marami ang mga naging pag-uusap nila ni SimSimi noong panahong sikat na sikat pa ito sa mga kaedaran nila noon.
“Arte ngayon ng kabataan kapag walang kausap sa Messenger. Kami noon, ‘pag walang kausap, kinakausap namin si SimSimi,” saad ng page sa isa sa mga recent post nito.
Ang chatbot na si SimSimi ay isang artificial intelligence conversation program na ginawa ng ISMaker noong 2002. Bantog ito sa mga nakaaaliw na small talk, dahil sa mga relatable nitong reply na minsan ay wikang Filipino pa ang gamit.
“Tinatanong ko pa si SimSimi dati kung crush ba ako ng crush ko. Minsan okay ang sagot,” pagbabahagi ni Kit Balagtas.
“Naalala ko ‘yong Ate naming panganay. Gumamit siya ng SimSimi tapos tinanong niya kung may babae ba iyong boyfriend niya. Sabi ni SimSimi, ‘Mayroon, kaangkas niya sa motor malapit sa lugar n’yo.’ Pinilit pa ni Ate na sabihin ni SimSimi pangalan ng girl pero hindi sinabi ni SimSimi. Tapos nakipag-break si Ate sa boyfriend niya dahil sa sinabi ni SimSimi. Hahaha! Then the next day, nakita nga ni Ate na may kaangkas na bagong babae. High school palang sila noon. Elementary ako,” kuwento naman ni Jam Jam.
Samantala, pagbabalik-tanaw ni Katrina Dela Paz, “Rich kid naman nakakakausap kay SimSimi noon. O kaya may kaibigang rich kid. Kaming hindi, kinakausap lang namin sarili sa salamin. Minsan nag-aaway pa kami.”

Bagama’t hindi na kasing sikat katulad noon, maaari pa rin makausap si SimSimi katulad dati.