
- Ibinahagi ng isang college student mula sa Isabela na ang kanyang gawang national costume ang susuotin ng isang kandidata sa darating na Miss Universe pageant
- Ang kandidata na ito ay mula sa Cameroon at personal itong nagmensahe sa estudyante matapos mag-viral ang kanyang isang fashion illustration
- Ngayon ay natapos at naipadala na ng estudyante ang national costume na inaasahang darating sa Amerika bago ang pageant sa May 16
Dream come true para sa isang estudyante mula sa Isabela na maitampok ang kanyang disenyo sa darating na 69th Miss Universe pageant na gaganapin sa Amerika sa May 16 (May 17 sa Pilipinas).

Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ng 3rd year college student mula San Mateo, Isabela na si Kennedy Jhon Gasper na ang kanyang disenyo at ginawang national costume ang susuotin ni Miss Cameroon, Africa para sa Miss Universe pageant.
“Are you ready? First ever Miss Cameroon to join at Miss Universe,” ang nilagay na caption ng 20-anyos na estudyante kalakip ang screenshot ng kandidata at ng kanyang isusuot na national costume.
Kuwento ni Kennedy, personal umano na nagpadala ng mensahe sa kanya si Miss Cameroon Angèle Kossinda matapos nitong makita ang viral niyang fashion illustration ng national costume sa social media.

Noong una ay nagdalawang-isip pa umano si Kennedy kung tatanggapin ba ang alok ni Miss Cameroon na gawin ang national costume nito dahil hindi sapat ang kanyang pinansyal na kakayahan.
Sa huli, tinanggap na rin ni Kennedy ang hamon lalo na at nakatanggap siya ng pinansyal na suporta mula sa kanilang lokal na pamahalaan at sa ilan niyang mga kaibigan. Sa loob ng apat na araw ay natapos ng estudyante ang dinisenyong national costume para kay Miss Cameroon.
Ipinagmalaki naman ng Central Luzon State University sa isang FB post ang kanilang estudyante na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Fashion and Textile Technology major in Fashion Designing.

“At the age of 20, he has proven himself as an outstanding student and fashion designer. He has given extra effort in his studies whilst grabbing sidelines in making costumes, gowns, and participating in contests,” ayon sa post.
Naipadala na ni Kennedy ang ginawang national costume at ngayon ay nasa Hong Kong na ito. Inaasahang darating ito sa Amerika bago ang pageant na gaganapin sa Seminole Hard Rock Hotel and Casino in Hollywood, Florida.