Matapos mag-viral, mga obra ng isang tatay sa Maynila binili ng netizens

Imahe mula kay Habagat Farrales via Facebook
  • Ibinahagi ng isang netizen ang kuwento ng natulungan nilang ama sa Maynila na ngayon ay nagtitinda ng kanyang mga obra
  • Nakamamangha ang mga obra ng nasabing tatay at mura din ang presyo nito na kanyang ikinabubuhay
  • Matapos ma-post, dinagsa ng mga mamimili ang pwesto ni Tatay at binili ang kanyang mga obra

Kakaiba talaga ang diskarte ng mga Pinoy para lang kumita ng pera at masustentuhan ang pamilya. Sa gitna ng pandemya ay marami sa mga kapus-palad na Pinoy ang naghanap ng paraan upang kahit papaano ay may pagkakitaan.

Imahe mula kay Habagat Farrales via Facebook

Sa viral post ng netizen na si Habagat Farrales, ikinuwento niya ang tungkol sa isang ama na minsan na nilang naabutan ng relief goods nang maglunsad ang kanilang grupo ng relief drive sa Ermita, Manila noong 2020.

Sa panayam sa The Philippine STAR, sinabi ni Habagat na naisipan nila muling kumustahin si Tatay Edgardo Lam nang maglunsad muli sila ng community pantry sa Manila.

Imahe mula kay Habagat Farrales via Facebook

“Noong nag-setup kami ng community pantry, naisipan namin balikan si Tatay para kumustahin at dalhan na rin ng kaunting tulong,” ani Habagat. Nakita nila si Tatay Edgardo na nagbebenta ng kanyang mga obra na siya umanong ikinabubuhay niya upang pangsustento sa pamilya.

Ang mga ginamit na paint sa paggawa ng kanyang drawing ay donasyon din umano. “Nakakamangha rin kasi talaga ‘yung tiyaga ni kuya na gumawa ng artwork gamit ang mga donation na paint. Ito ‘yung talagang nakatulong din sa pamilya niya na makaraos sa pandemya,” dagdag pa ni Habagat na siyang nag-upload ng kuwento ni Tatay Edgardo sa social media.

Imahe mula kay Habagat Farrales via Facebook

Makikita sa kahabaan ng Padre Faura Street corner M.H. Del Pilar in Ermita, Manila ang puwesto ni Tatay Edgardo kung saan niya ibinebenta ang mga obra sa halagang P200 hanggang P300.

Matapos mag-viral ay dinagsa ng mga mamimili ang puwesto ni Tatay Edgardo at laking gulat nito na halos maubos na ang kanyang obra. “Gulat na gulat po si Tatay Edgardo sa pagdagsa ng mga tao. Nagpapaabot po siya ng pasasalamat sa lahat po ng pumunta sa kanyang pwesto para bumili ng mga likha niya,” ayon sa isa pang FB post ni Habagat. Nagbigay din ng tulong grupong Tulong Kabataan – UP Manila kay Tatay.