
- Naitampok sa bagong dokumentaryo ng Stand for Truth ang tungkol sa mga mahihirap na pamilyang nagtitiis sa gutom
- Isang pamilya sa tondo ang pinagkakasya ang isang piraso ng isda para sa anim na anak at kanilang mga magulang
- Ayon naman sa mga datos, lumalabas na lalong lumala ang kahirapan at gutom sa bansa dahil sa pandemya
Naiiyak na lamang sa gutom ang ilang mahihirap na pamilya na naitampok sa bagong dokumentaryo ng Stand for Truth. Dito ipinakita ang nakahahabag na sitwasyon ng maraming pamilyang Pinoy na nagtitiis sa kumakalam na sikmura.

Kabilang sa mga naitampok ang pamilya ng mangangalakal na si Mang Manuel Tausa mula sa Tondo, Maynila. Pilit niyang pinagkakasya ang maliit na kita sa kanyang anim na anak. “Bigas muna ang uunahin namin [na bilhin], itlog, bagoong, tuyo, tsaka gulay,” ani Mang Manuel.
“Sinasabi ko lang magtiis tayo dahil iyan lang ang abot-kaya ko eh, hindi naman tayo puwedeng magnakaw kasi huhulihin tayo,” dagdag pa ng padre de pamilya. Dahil hindi sapat ang mga nakakain, underweight ang isang anak ni Mang Manuel kaya matiyagang pumipila ang asawa niyang si Aling Rosemarie sa feeding program.
Ipinakita sa dokumentaryo kung paano pinagkasya ng pamilya ni Mang Manuel ang iisang piraso ng pritong isda na bigay pa ng kanilang kapitbahay para lang makakain. Upang magkasya ang isang piraso ng isda, unang pinakain ni Mang Manuel ang kanyang mga anak.

“Minsan po umiiyak na lang po ako kasi walang-wala talaga. Lalo na ‘yung maliit ko[ng anak] maghanap talaga ng ulam. Sasabihin niya, ‘Mama wala ulam?’ sasabihin ko ‘wala talaga anak, tiis tayo,'” kuwento ng ina ng tahanan.
Sa ulat ng National Economic Development Authority (NEDA), mas pinalala umano ng pandemya ang problemang kinahaharap ng bansa lalo na sa mga sektor ng food security, nutrition, at magandang kalusugan ng mga Pinoy.

“The COVID-19 pandemic has exacerbated the challenges we are facing in securing food, nutrition, and good health for all Filipinos. Overcoming this unprecedented crisis requires strong collaboration,” ani NEDA secretary Karl Chua.
Sa lumabas din sa survey ng Food and Nutrition Research Institute, nadirekta umanong “nakatahi” ang nararanasang gutom ng mahihirap na Pinoy sa nagaganap na COVID-19 pandemic. Ayon sa kanilang datos, anim sa sampung pamilya ang nakararanas ng moderate to severe food insecurity o kakulangan sa pagkain.
Panoorin ang buong dokumentaryo: