
- Hindi rin nagpahuli si Karen Davila sa ginawang survey ng GMA Public Affairs Facebook tungkol sa putaheng ‘tinola’
- Tinanong kasi rito kung ano ang dapat na inilalagay na sahog sa tinola, kung ito ba ay sayote o papaya
- Sumagot ang Kapamilya broadcaster ng ‘sayote’ habang may ibang netizen naman ang nagbahagi ng kani-kanilang sariling opinyon
Karaniwang nang makakita sa social media ng mga nakaaaliw na post at survey upang pulsuhan ang saloobin ng masa. Dahil na rin sa community quarantine ay maraming Pinoy ang naging aktibo sa social media upang kahit papaano ay maaliw sa iba’t ibang posts.

Isa ang GMA Public Affairs ng GMA network ang nagbabahagi ng mga makabuluhan at nakaaaliw na survey upang pag-usapan ng maraming netizens. Kamakailan nga, isang post ang pumukaw sa atensyon hindi lamang ng libo-libong netizens kundi maski ng kabilang network.
Sa isang Facebook post, tinanong sa GMA Public Affairs FB page kung ano nga ba ang nararapat na ilagay sa ulam na tinola; kung ito nga ba ay papaya o sayote. Agad na umani ang post na ito ng libo-libong reactions, comments, at shares ng netizens.
Isa na rin sa mga nakisali sa survey na ito ay ang beteranong broadcaster sa ABS-CBN na si Karen Davila na sinabing “Sayote!” ang nararapat na isahog sa tinola. Agad namang napansin ng maraming netizens ang komento na ito ni Karen na umani ng higit 400 reactions.

Kabilang din sa mga komento na umani ng libo-libong reactions ay mula sa komedyante na si Jerald Napoles. Aniya, “A wise man once said: ‘eh bob* pala ng mama mo eh, naglalagay ng prutas sa ulam nyo eh.’ And I thank you.”
Hindi rin nagpahuli ang netizens sa pagbibigay ng nakaaaliw nilang saloobin o sagot. “Mahalaga po may manok at luya. Kahit alin po sa dalawa,” ayon sa isang nagkomento. “Whichever is available,” ani naman ng isa na sinang-ayunan ng ilang netizens.
Kung ang multi-awarded actress at ngayon ay isa nang ganap na chef na si Judy Ann Santos ang tatanungin: “Well, mas nakasanayan ‘yung sayote ng ibang mga tao… Personally, mas gusto ko ang papaya sa tinola. Iba ‘yung tamis and bite ng papaya.”