Jinkee Pacquiao inalala kung paano siya nangungutang noon para lang makapag-ensayo ang asawa

  • Ibinahagi ni Jinkee Pacquiao ang ilan sa mga personal na karanasan niya sa pagiging asawa ni Manny Pacquiao
  • Nabanggit ni Jinkee na mayroong lumabas na isyu na pinakasalan niya lang si Manny dahil sa pera
  • Ayon kay Jinkee, hindi pa matagumpay na boxing champ noon si Manny at naranasan din nilang mangutang upang makapag-ensayo ito sa ibang lugar

Maituturing na kabilang sa mayayamang personalidad ang mag-asawang sina Manny at Jinkee Pacquiao. Bukod kasi sa boxing champion si Manny, isa rin itong senador at nagmamay-ari ng maraming properties dito sa Pinas at sa abroad.

Imahe kuha mula sa video ni Dr. Vicki Belo via YOuTube channel

Sa kanyang social media account ay ibinabahagi ni Jinkee ang mga luxury brand na kanyang pag-aari at mapapansin din ang karangyaan ng kanilang pamumuhay at kakayahan nilang bumili ng mga mamahaling bagay.

Sa vlog ng celebrity dermatologist na si Vicki Belo, naging guest niya rito si Jinkee na sinagot ang mga tanong tungkol sa kanyang mga “pinaka.” Kabilang sa mga naitanong ay ang “pinakamahal na regalong naibigay,” “pinaka paboritong designer brand,” “pinaka nakakahiyang experience,” at marami pang iba.

Isa sa mga tanong na labis na pinag-isipan ni Jinkee ay ang “pinaka hate mong tsismis na ginawa tungkol sa’yo.”

Aniya, ito ay ang tungkol sa tsismis na pinakasalan lamang niya si Manny dahil sa pera.

Imahe kuha mula sa video ni Dr. Vicki Belo via YOuTube channel

“Nung nag-asawa nga kami ni Manny, natalo siya nung after kami kinasal,” kuwento ni Jinkee. May iba pa nga raw na nagsabing kaya natalo noon si Manny ay dahil nag-asawa na. Subalit bumuti rin ang kalagayan ng mag-asawa pagdating sa pinansyal na aspeto.

“Tapos nung may income na naman na malaki, lagi na nanalo, after kami kinasal. Ayan na naman, pera lang ang habol. Pera? Hay, naku!” dagdag pa ng asawa ni boxing champ. Sinabi rin ni Jinkee na naranasan niyang mangutang para lamang makapag-ensayo si Manny sa ibang lugar.

“Madami kami experience na mangutang kami, ganyan. Para lang makapag-ensayo siya sa Davao o Manila. Kailangan may pocket money. Alam iyon ng mga ninang namin kasi ginigising ko sila nang maaga. ‘Ninang, help me. Help us,'” kuwento pa ni Jinkee.

Imahe kuha mula sa video ni Dr. Vicki Belo via YOuTube channel

Tinanong din siya ni Belo kung ano ang pinaka thankful siya sa pagiging “Mrs. Jinkee Pacquiao.”

Ani Jinkee, “‘Yung asawa na hindi nag-give up sa marriage. Parang ‘yun lang ‘yung ma-impart ko sa women na dapat maging strong sila. Hindi sila agad maggi-give up sa married life nila kasi meron talagang ups and downs.”

Panoorin dito ang buong vlog: