Imbes na MacBook Air na higit P50k ang halaga, bato at air ang natanggap ng isang netizen

  • Nagbabala ang isang netizen tungkol sa produktong kanyang binili sa online shopping site
  • Ang produkto kasi na ito ay nagkakahalaga ng mahigit P50k via online payment
  • Sa pag-aakalang lehitimo ang seller na kanyang napagbilhan, hindi inaasahan ng netizen na bato lamang ang kanyang matatanggap na produkto

Hindi pa rin matatapos ang kaliwa’t kanang sales sa iba’t ibang online shopping sites tulad ng Lazada at Shopee. Bukod sa mga naglipanang murang produkto, marami na rin ang mga nagbebentang sellers kaya mahirap nang matukoy kung sino sa mga ito ang nagtitinda ng mga pekeng produkto.

Imahe mula kay Karl Revilla via Facebook

Kamakailan, isang netizen ang nagbahagi ng kanyang “budol” na kuwento pagkatapos bumili sa Lazada ng produkto na nagkakahalaga ng mahigit P53,000. Inakala ng netizen na lehitimo ang store na nagtitinda sa Lazada dahil nasa ilalim ito ng “Lazmall.”

“Supposedly Macbook Air M1 ang dadating pero BATO ‘yung nadeliver ng Lazada. I thought okay naman kasi Lazmall and okay mga review sa store nila,” ani Karl Revilla sa kanya ngayong viral Facebook post. Ibinahagi rin niya ang link ng produktong binili.

Nang dumating na ang biniling produkto, laking gulat ni Revilla na bato lamang ang laman ng malaking box ng Apple Macbook. Agad niya itong ini-report sa Lazada Customer Service na pinayuhan naman siyang ibalik ang “bato” sa courier na nagdala nito.

Imahe mula kay Karl Revilla via Facebook

“Talked to Lazada Customer Service and while they were calm and accommodating sa concern ko, as usual, ako pa rin mahahassle na magbalik ng BATO sa LBC, ask for a refund, etc. I could’ve easily left a bad review on the store but it is also possible that the seller wasn’t aware of this and someone in the warehouse did the switching,” kuwento pa ng uploader.

Matatandaan na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na mayroong mga lumalabas na ulat na nakatatanggap ang mga customer ng bato imbes na kanilang produkto. “It’s sad how people are able to resort to this kind of act,” ani pa ni Revilla.

Imahe mula kay Karl Revilla via Facebook

Nagbigay muli siya ng update at sinabing ire-refund na ang kanyang ibinayad na pera sa produktong hindi naman natanggap.

“Since many buyers have also shared their experience with the same store (bato/ bareta ang nadeliver) Lazada is now investigating all parties involved. Possible din daw na magclose din ‘yung mismong store if si seller talaga ang may kasalanan.”

Nagbigay babala naman si Revilla sa mga kapwa shoppers lalo na sa malalaking halaga na produkto at online payment. “Always be keen and vigilant sa orders, especially if non-COD. Even sa Lazmall, nangyayari pa rin ang ganitong modus.”