
- Isang street boxing event ang naganap kamakailan sa Tondo, Maynila kasabay ng kapistahan ng kanilang patron
- Ipinagbabawal ang street boxing at lumabag din sa minimum health protocols ang mga dumalo rito
- Nang puntahan ng mga awtoridad ay wala na ang nasabing boxing at wala ring nais magsalita sa mga dumalo
Mahigit isang taon nang nasa ilalim ng community quarantine ang bansa, at sa kabila ng libo-libong nadaragdag na mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw ay tila hindi pa rin nadadala ang maraming Pinoy na lumalabag sa minimum health protocols.

Kamakailan ay naiulat ang tungkol sa naganap na street boxing sa isang barangay sa Tondo, Manila na dinaluhan ng maraming residente. Nasa ilalim ngayon ng general community quarantine “with heightened restrictions” ang buong Metro Manila kaya ipinagbabawal ang mass gathering.
Ayon sa lumabas na ulat, ginanap ang street boxing sa Brgy. 182, Tondo, Manila na bukod sa ipinagbabawal pa ay hindi rin nasunod ang physical distancing. Sa video na inilabas ng MPD station 1 makikita ang dalawang boksingero na napalilibutan ng mga dumalong audience, nasa edad 16 hanggang 18 lang umano ang mga kalahok sa nasabing street boxing.
Dikit-dikit ang mga tao at karamihan sa mga ito ay hindi rin nakasuot ng face mask at face shield kahit nasa labas. Hindi umano inaprubahan ng barangay ang naganap na street boxing na isinabay sa kapistahan ng kanilang patron.

Nang puntahan na ng mga awtoridad ang lugar kung saan idinaos ang street boxing ay wala nang tao rito.
“Naglibot po tayo. Sa lahat ng mga napagtatanungan natin puro kagigising, puro wala po sila sa pinangyarihan,” ani Kapitan Jaime Laurente ng Brgy. 182.
“Wala po tayong inaresto dahil pagdating po ng pulis wala pong gustong magsalita, pero may nagbigay po ng pangalan. ‘Yun po ‘yung tinutumbok natin ngayon na pa-file-an natin ng kaso,” ang pahayag naman ni Police Lieutenant Colonel Paul Doles, Commander ng Manila Police District Station 1.
Ang mga nabanggit umano na pangalan na promotor ng nasabing event ay mismong kagawad sa barangay na si Arnel Saenz at anak niyang si Vincent. Sangkot din umano si Lawrence Bindoy na asawa ng barangay secretary.