
- Matapos mapanood ang mga naging host ng katatapos na Miss Universe pageant, madaming Pinoy fans ang nadismaya
- Kaya naman ilan sa kanila ang hiniling na sana ay maging host ng international pageant si KC Concepcion
- Matatandaan na dalawang beses nang naging host si KC sa naganap na Binibining Pilipinas pageant
Trending kamakailan sa katatapos na 69th Miss Universe pageant hindi lamang ang nakoronahang bagong Miss U na si Andrea Meza ng Mexico kundi pati na rin ang mga host ng prestihiyosong pageant.

Marami kasing netizens, kabilang na ang mga Pinoy, na nakapansin sa kakulangan ng energy ng dalawang host na sina Olivia Culpo at Mario Lopez. Bukod kasi sa malumanay na boses na walang excitement, hindi rin engaging ang hosting skill ng dalawang Miss U host lalo na ang Miss Universe 2012 na si Olivia Culpo.
Kaya naman naging laman ng memes at dinagsa ng komento ang pagho-host ni Olivia sa social media kabilang na sa Twitter. Naging trending ang kanyang pangalan kabilang na ang dating Miss U host na si Steve Harvey na para sa marami ay karapat-dapat na maging host ng pageant at hindi ang dating beauty queen.
Sa Twitter ay naghayag din ang actress-singer na si KC Concepcion ng kanyang interes na maging host ng Miss Universe pageant. “Ano kaya kung makapag host din ako ng #MissUniverse? Ang saya siguro no?” ani sa tweet ni KC.

Nabanggit din niya na dahil dalawang beses na niyang naranasan na maging host ng Binibining Pilipinas ay nakahanda na ang kanyang susuotin kung sakaling mabigyan ng pagkakataon na maging host ng Miss U.
“Naka ready na naman ang custom made 8-inch heels ko na pinagawa ko for the 2 times na nag pageant host ako for BINIBINING PILIPINAS,” dagdag pa ng anak nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.

Marami namang netizens ang sumang-ayon sa pinapangarap ni KC. “Sana nga ikaw na lang. Kaysa kay Olivia,” ani ng kanyang follower. “You’d do a better job than Mario Lopez AND Olivia Culpo,” dagdag pa ng isa.
Matatandaan na isa si KC sa mga masugid na nakasuporta sa pambato ng Pilipinas sa Miss Universe na si Rabiya Mateo. Ani KC sa isa niyang tweet habang nanonood ng pageant, “Mabuhay ang Filipina! Keep shining, Rabiya!”