
- Ibinahagi ng aktor na si Janus del Prado ang kanyang pagpayat sa loob ng tatlong buwan
- Mula 210 lbs ay 150 lbs na lamang ang bigat ng aktor na nagpabilib sa maraming netizens
- Ayon kay Janus, isa sa mga pinakamahalagang bagay sa pagpapapayat ay disiplina sa sarili
Hindi maipagkakaila ng mga Pinoy na marami sa kanila ang nadagdagan ang timbang nang mag-umpisa ang pandemya. Dahil nalimitahan ang pagkilos at dahil sa nararamdamang stress dulot ng banta ng COVID-19, ang pagkonsumo ng mga pagkain ang kanilang naging stress-reliever.

Isa ang aktor na si Janus del Prado sa mga labis na nadagdagan ang timbang noong nakaraang taon. Kaya naman isa sa kanyang mga naging New Year’s resolution noong Enero ay ang mabawasan ang timbang na umabot sa 210 lbs at maging 140 lbs.
“My New Years resolution is to lose weight. Medyo nadelay lang kasi Feb 1 na ako nag start ng diet. Lolz. And after 1 month, akalain mo?! I lost 31lbs!” ang naging update ni Janus sa kanyang Instagram account.

Aniya, walang masama sa pagiging chubby “as long as you’re happy and healthy.” Subalit kailangan din umanong magkaroon ng disiplina sa pagkain, “kung kailangan na para sa health at happiness, maybe ito na ‘yung time na magbalik alindog program.”
Patuloy na nagbigay ng update si Janus sa kanyang IG account, hanggang kamakailan ay halos makamit na niya ang kanyang pinakaaasam na timbang. “210 lbs – 150 lbs. 10 lbs na lang ayaw pa matanggal. Eh basta! Kaya yan! Let’s do this!”

Mula sa pagiging overweight noong Enero ay naging normal na ang timbang ng aktor.”Disiplina lang talaga. I’m so happy sa results. Good vibes and go for it guys. Kaya natin ‘to,” dagdag pa niya.
Noong Pebrero ay matatandaan na inanunsyo ni Janus ang kanyang pag-alis sa Star Magic upang maging freelance actor. Nagpasalamat siya sa kanyang naging tahanan bilang isang kapamilya sa loob ng 21 taon. Si Janus ay unang naging miyembro ng Star Circle Batch 9 at nakilala sa pagganap sa mga telebisyon at pelikula.