Donasyon na Pfizer COVID-19 vaccines nakalaan para sa mahihirap na Pinoy, ayon sa utos ni Pang. Duterte

Imahe mula PNA
  • Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilaan ang mga natanggap na donasyon ng Pfizer COVID-19 vaccine sa mahihirap na Pinoy
  • Ang mga maaaring makatanggap ng bakuna ng Pfizer ay mula sa A1, A2, A3 at A5 priority list
  • Ipinag-utos din na ang mga Pfizer COVID-19 vaccine ay hindi ipamahagi sa mall vaccination sites kundi sa mga barangay na mababa ang nagpapabakuna

Unang linggo nitong buwan ng Mayo nang matanggap ng bansa ang kauna-unahang doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines mula sa United States COVAX facility. Nasa 193,050 doses ng Pfizer ang natanggap at agad na ipinamahagi sa mga lugar ng NCR plus.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno via Facebook page

Ayon sa pag-aaral, mataas ang efficacy rate ng Pfizer COVID-19 vaccine kaya naman maraming Pinoy ang naghahangad na mabakunahan nito. Sa pagsusuri ng Philippine Food and Drug Administration (FDA), ang bakuna ng Pfizer ay may efficacy rate na 95% sa study population at 92% sa across all races.

Kamakailan ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilaan ang Pfizer COVID-19 vaccines sa mga mahihirap na Pinoy at sa mga lugar na mababa ang bilang ng populasyon na nagpapabakuna kontra COVID-19.

Sa pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ng pangulo na ipamahagi ang Pfizer vaccines sa mahihirap na residente, ayon na rin sa ibinigay na kondisyon sa global aid COVAX facility na pinagmulan ng unang doses ng Pfizer-BioNTech vaccines.

Imahe mula ABS-CBN News

“Ipinag-utos ni Presidente na ibigay ang Pfizer sa mahihirap at indigent population. Under COVAX guidelines, it is A1, A2, A3 and A5,” ani Roque.

Ayon sa vaccination program, ang A1 ay ang mga health worker; A2 ay senior citizens; A3 ay mga residenteng may comorbidities; at A5 ay ang mga mahihirap na populasyon.

Ang A4 priority list naman na hindi nabanggit ay mga essential worker o manggagawang kinakailangan pa ring pumasok sa kanilang trabaho sa kabila ng quarantine restrictions.

Dagdag pa ng presidential spox, “iyong Pfizer, hindi po ‘yan ilalagay sa mall. Ilalagay ‘yan sa barangays na mababa ang uptake ng vaccine. On A4, we will use the ones (vaccines) paid for by the government.”

Sa kabuuan, nasa 40 million pa na Pfizer COVID-19 vaccines ang inorder at inaasahan na matatanggap ng bansa.