
- Isang doktor ang nakibahagi sa “Bayanihan E-Konsulta” ni Bise Presidente Leni Robredo
- Imbes na magbigay ng libreng consultation, nagboluntaryo ang nasabing doktor na siya mismo ang mag-deliver ng home care kits sa bahay ng mga COVID-19 patients
- Naniniwala ang doktor na malaking tulong ang pagbibigay ng home care kits upang matugunan ang problema sa COVID-19
Noong Abril ay nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga medical staff na nais maging parte ng isinagawa niyang programa na tinawag na “Bayanihan E-Konsulta.” Sa ilalim ng programang ito, mismong mga medical staff ang magbibigay ng outpatient care sa mga lugar na nasa ilalim ng NCR Plus.

Maraming doktor at nurse ang nakilahok sa nasabing programa, kabilang na ang anak ng bise presidente na si Trisha Robredo na isang lisensyadong doktor. Kabilang sa mga nakibahagi sa Bayanihan E-Konsulta ay ang doktor at bike enthusiast na si Dr. Alejandro Umali.
Si Dr. Umali ay isang emergency medicine resident sa The Medical City (TMC). Nang malaman umano niya ang tungkol sa isinagawang programa ng VP ay agad siyang nakipag-ugnayan kay Trisha na kanyang kakilala mula sa Ateneo School of Medicine and Public Health.
Sa panayam kay Dr. Umali, gusto umano niyang gumawa ng kakaiba imbes na magbigay lamang ng libreng konsultasyon sa mga kababayan. Naisip niya na dahil limitado ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) at upang hindi na gumastos pa sa delivery service, siya na mismo ang magdadala ng home care kits sa bahay-bahay ng COVID-19 patients.

Ayon pa kay Dr. Umali, ang kanyang pagkahilig sa pagbibisikleta ang nagtulak sa kanya upang magboluntaryo sa E-Konsulta. Naniniwala siya na malaking tulong ang ipinapamahaging home care kits para sa mga taong limitado o walang resources pagdating sa medikal na pangangailangan.
“The problem now is logistical…How to get those resources to them. So I wanted to volunteer in that aspect,” ani ng doktor. Pagkatapos ng kanyang duty sa ospital ay saka umano siya nagde-deliver ng home care kits.
“So okay naman po, nagugulat siguro sila kasi naka-bisikleta ang nagde-deliver. And I always tell them that I am a volunteer courier. I bike not just for sport or exercise but as a mode of transportation to advocate for active mobility, less car use and safer streets,” dagdag pa ni Dr. Umali.
So inspiring si Doc!