
- Isang grupo ang nagsabing naaanod na ang dolomite sand na inilagay sa Manila Bay
- Subalit ayon sa kawani ng Department of Environment and Natural Resources, hindi pa nila masabi kung naaanod na nga ang dolomite sand dahil hindi pa tapos ang proyekto
- Sinabi rin niya na normal lamang na may maanod na buhangin sa karagatan tulad sa Manila Bay
Inanunsyo na kamakailan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na maaari nang maranasan ng bansa ang “wet season” bunsod ng habagat sa huling linggo ng Mayo o unang linggo ng Hunyo.

Sa usaping panahon ng tag-ulan at mga bagyo, muling naging usap-usapan ang inilagay na dolomite sand sa Manila Bay kung saan ayon sa civil society organization na Oceana Philippines ay unti-unti nang gumuguho ang artificial beach.
“From December 2020 to February 2021, this dolomite beach has eroded by at least 300 square meters. They are refilling it again and even extending the area,” ayon sa pahayag ng Oceana Vice President na si Gloria Ramos.
Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang departamentong nasa likod ng proyekto ng pagtatambak ng dolomite sand sa Manila Bay, hindi pa nila masasabi kung gumuguho o inaanod na nga ang artificial sand.

Ani Environment Undersecretary Jonas Leones, naglagay sila ng mga “geotubes” upang matiyak na hindi maanod ang dolomite sand na itinambak. “We have put in place ‘yong mga geotubes to ensure na ‘di mawa-wash out ‘yong mga dolomite. Siguro too early to say na nag-wash out na siya,” pahayag ni Leones.
Ayon din sa kawani, normal lamang ang pagguho ng buhangin lalo na sa mga dagat, “even in ordinary beaches talaga namang nage-erode nang kaunti so ‘yon nga ‘yong mine-maintain sa beaches, ‘yong coastal resorts natin, ‘yan ‘yong ginagawa natin.”

Dagdag pa ni Leones, hinihintay nila ang tag-ulan upang matukoy kung epektibo ang mga inilagay na geotube upang hindi maanod ang dolomite sand at maiwasa ang erosion.
“Gusto natin mag-rainy season na dahil para once and for all we can see and evaluate kung talagang effective ‘yong ating beach nourishment. Pinag-aralan namin yan and we are confident na kahit bagyuhin ‘yan, kahit anong ulan man, nandiyan pa rin ‘yong beach nourishment,” ani Leones.
Hindi pa rin tapos ang beach nourishment project sa dolomite beach na inaasahang makukumpleto sa darating na Hunyo o Hulyo.