
- Sa pagbebenta ng mga secondhand o segunda manong luxury brand bags, kumikita ang isang senior citizen ng umaabot sa P500k kada live session
- Pinasok ng nasabing senior citizen ang online live selling upang maibsan ang kalungkutan at kumita ng pera sa gitna ng pandemya
- Ayon sa kanya mahalaga na gawing presentable ang mga ibebenta na bag upang maraming miners ang mahikayat
Isa na marahil sa mga advantages ng modernisasyon sa panahon ngayon na mayroong pandemya ay ang pagiging online ng iba’t ibang transaksyon tulad ng pagpapadala ng pera, at pagbili at pagbebenta ng mga produkto.

Gamit ang ating gadgets at Internet, one click away na lang ang mga bagay na gusto nating bilhin. Kumportable rin ang mga nagbebenta ngayon dahil nauuso na ang live online selling lalo na sa Facebook.
Hindi na nga lang para sa kabataan ang online selling kundi maski iyong may edad na at kahit senior citizens ay maaari itong pasukin bilang pamumuhay. Ito ang pinagkakaabalahan ngayon ng senior citizen na si Ma. Lourdes Domingo o mas kilala sa tawag na “Mommy Luth.”
Sa segment ng host na si Winnie Monsod, ibinahagi ni Mommy Luth ang tagumpay sa likod ng kanyang pagbebenta ng mga secondhand branded bags gamit ang live online selling ng Facebook.

Kuwento ni Mommy Luth, nang mag-umpisa ang pandemya at sumakabilang-buhay ang kanyang matalik na kaibigan, upang maibsan ang kalungkutan ay sumabak umano siya sa online selling. Ibinenta niya ang mga lumang bags na may tatak na mga luxury brands, hindi basta-basta ang mga presyo nito dahil orihinal ang mga bag na ibinebenta ni Mommy Luth.
Nang tanungin kung magkano ang kanyang kinikita, sinabi ni Mommy Luth na kada live session sa kanyang FB page na Mommy Inspire and Prosper, umaabot sa P500,000 ang kanyang mga naibebentang bags. Ang kalahating milyon na kanyang kinikita ay 20 bags lamang na naibenta.

Ibinahagi rin ni Mommy Luth ang kanyang paraan ng pagbebenta kaya maraming customer ang nahihikayat na bilhin ang mga bags. Aniya, nililinis nila nang maigi ang mga bag upang maging presentable. Sinisiguro din nila umano na nasa maayos itong kalagayan kahit segunda mano lang.
Hinikayat din ni Mommy Luth ang ibang senior citizen na subukan din ang live selling, “Try n’yo, subukan n’yo. Kahit chocolate ay bumebenta online.”
Matatandaan na isa ang 68-anyos na si Lola Nenita Bolaños mula sa Binangonan, Rizal sa mga nag-viral din dahil sa pago-online selling.
Samantala, panoorin ang panayam sa kanya ni Mareng Winnie sa video na ito ng Kapuso network.