
- Isang barangay chairman sa Quezon City ang pinadalhan ng show-cause order matapos mahuling lumabag sa health protocols
- Bukod sa mass gathering, nakita rin sa video ang chairman na nagvi-videoke nang walang suot na face mask
- Paliwanag ng opisyal, hindi siya nakatanggi sa videoke at wala raw siyang suot na face mask dahil mahirap kumanta nang may suot nito
Iniimbestigahan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nag-viral na video kung saan makikita ang chairman ng Barangay Alicia sa Quezon City na nagvi-videoke sa isang birthday party.

Kinilala ang barangay chairman na si Ric Corro na ayon kay DILG Undersecretary Martin Dino ay lumabag sa maraming health protocols dahil wala itong suot na face mask, dumalo sa mass gathering, at kumanta pa sa videoke.
Ang video na kumakanta si Corro ay na-upload sa Facebook kamakailan kaya maraming netizens ang nakakita at nag-share nito. Paliwanag naman ng barangay chairman, nahikayat lang umano siya na kumanta sa videoke at bilang isang opisyal ay hindi umano siya nakatanggi.
Ayon pa kay Corro, wala siyang suot na face mask sa video dahil kumakanta siya. “Kasama lang ako tapos na-request lang pero loob ng bahay naman ‘yon. Mahirap kumanta naman na may mask ako. Saan naman kayo nakakita ng kumantang may mask?” ani ng barangay chairman.

Paliwanag pa niya, may dala siyang face mask noon at nakasabit ito sa kanyang kamay. Ang ibang tao umano sa kuwarto na nakita sa video na wala ring suot na face mask ay kararating lamang. Sinabi rin niya na pagkatapos niyang kumanta ay nagsi-uwian na rin sila.
Ngayon ay pinadalhan na ng DILG si Corro ng show-cause order si Corro upang magpaliwanag sa mga pangyayari, ayon na rin kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya. Nanawagan din siya sa mga lokal na opisyal na huwag maging pasimuno ng mga paglabag sa health protocols.
Puspusan pa rin ang kampanya ng lokal na pamahalaan ng Quezon City laban sa mga lumalabag sa mininum health protocols. Ngayong buwan, umabot na umano sa halos 20,000 violators ang nadampoot ng QC LGU at nabigyan ng ordinance violation receipt dahil sa hindi pagsusuot ng face mask.