Bayong na may mga sariwang gulay, ginawang wedding souvenir upang makatulong sa mga magsasaka

  • Ibinahagi sa social media kamakailan ang tungkol sa souvenir na ipinamahagi sa isang kasalan
  • Kakaiba kasi ang wedding souvenir na ito na binubuo ng mga bayong na naglalaman ng mga sariwang gulay
  • Ayon sa uploader, ang mga fresh vegetables ay mula sa mga magsasaka sa Baguio kung saan ginanap ang kasal

Ano-ano na ang mga natanggap mong souvenir sa pagpunta sa kasal? Nakatanggap ka na ba ng key chain? Figurine? Candle? O maliit na halaman? Sa panahon ngayon ay nagiging malikhain na ang mga Pinoy sa mga ipinamimigay na souvenir sa tuwing may espesyal na okasyon tulad ng kasal.

Imahe mula Freepik

Ngunit paano kung ang natanggap mong souvenir ay sobrang laki subalit sulit na sulit naman dahil naglalaman ito ng mga suplay na kapaki-pakinabang? Ito ang souvenirs na ipinamigay ng newly-wed couple kamakailan.

Sa Facebook ay ibinahagi ni Ingrid Payaket ang larawan ng mga bayong na naglalaman ng mga sariwang gulay. Ayon kay Ingrid, ito umano ang ipinamigay na souvenirs sa kasal na kanyang dinaluhan sa Baguio City.

“I am the wedding singer po of the couple and these souvenirs caught my attention. The guests of the bride and groom are from Nueva Ecija, Bulacan and Olongapo kaya destination wedding siya,” pahayag ni Ingrid sa The Philippine Star.

Imahe mula Facebook

Dahil sa Baguio ang setting ng wedding, dito na rin umano kinuha ang mga fresh vegetables na ipinamahagi bilang souvenir. “As per the friend of the bride, the veggies are all from the farmers of Trading Post, La Trinidad Benguet,” ani pa ni Ingrid.

Kuwento pa ng wedding singer, ang bride umano ang nakaisip sa ideya ng bayong souvenir, “it’s the bride’s idea for the souvenir, even the eco bag. Her friends helped her with the preparation.”

Kahit may ibang gumagawa na ng pamimigay ng bayong na mayroong mga gulay, naisip umano ni Ingrid na ibahagi ito sa social media dahil nakita niya na praktikal ito bilang wedding souvenir idea sa panahon ngayon.

Imahe mula Freepik

“I posted so other people could see how they can also make their souvenirs more practical. Also, makakatulong din siya sa mga farmers namin sa Benguet who are currently struggling kasi bagsak presyo ang mga gulay. Sayang kasi talaga mga natatapon lang.”

Dagdag pa ni Ingrid, “maliban sa eco-friendly nakakatulong pa siya sa kalusugan lalo na at pandemic pa. And also, creative and eye-catching ’yung pag ka package nila.”