Ayon sa isang doktor, hindi dapat maging ‘brand conscious’ pagdating sa COVID-19 vaccine

  • Pinaalala ng isang doktor na hindi dapat tignan ng mga Pinoy ang brand ng nais na COVID-19 vaccine
  • Paglilinaw niya, lahat ay epektibo at mayroong side effect subalit ligtas naman para sa lahat
  • Matatandaan na pinag-utos ng DILG sa mga LGU na huwag ianunsyo sa publiko ang COVID-19 vaccine brand upang hindi dagsain

“Nagiging brand conscious tayo, hindi dapat ganun,” ito ang pahayag ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination sa programang TeleRadyo kamakailan.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno via Facebook page

“Ang bakuna buhay mo ang nakasalalay dyan. ‘Di bale kung sapatos lang ‘yan, o handbag o something, hindi eh. Buhay ang nakasalalay dito at ‘yan ay pinag-isipan nang husto ng ating mga eksperto,” ani ng doktor matapos maobserbahan na maraming Pinoy ang mas nagnanais na mabakunahan ng Pfizer.

Matatandaan na dinagsa ng maraming residente ang vaccination site sa Maynila matapos mapag-alaman na Pfizer COVID-19 vaccine ang itinuturok dito. Ayon sa isang residente na pumila, nakatanggap siya ng text message na nag-iimbita na magpabakuna ng Pfizer.

Dahil sa dagsa ng mga tao ay hindi na naipatupad ang social distancing. “Nakita mo naman hindi maganda ang epekto at nagkakagulo sila. Nawala social distancing, marami ang na-disappoint kasi hindi sila nakakuha. Hindi na nga nakakuha ng bakuna baka makakuha pa ng COVID,” ani Dr. Bravo.

Imahe mula sa DF Balita

Ayon pa sa doktor, isa marahil sa agam-agam ng mga Pinoy kaya namimili sila ng bakuna kontra COVID-19 ay dahil sa mga nababasa sa social media. “Walang bakuna na sasabihin mo na walang side effect. Pero hindi dapat ‘yun ang isipin nila, mahalaga ang bakuna.”

Kamakailan ay ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na huwag ianunsyo ang gagamiting bakuna sa vaccination site upang hindi sila dagsain ng tao. Subalit nilinaw nila na pagdating sa mismong site at bago turukan ang residente ay sasabihin na kung anong bakuna ang gagamitin.

Paglilinaw din ni Dr. Bravo, sa halos 3 milyong naturukan na ng COVID-19 vaccine sa bansa ay 3% lamang ang nag-report ng side effects. “Ang bakuna ‘pag ‘yan ay inirekomenda ng mga eksperto hindi po ‘yan sasabihin na makakapagdulot ng harm o ng damage sa ating mga kababayan,” ani pa ng doktor.

“Lahat ng bakuna ay mayroong kahalagahan. Ang dapat gawin mapadami ang mabakunahan.”