
Mukhang mas dumarami na ngayon ang mga restaurant na pumapayag na makapasok at manatili sa loob ang mga asong gala. At isa na naman dito ang nakunan ng larawan ng isang netizen na siyang nag-upload sa social media.

Ang mga larawan ay kuha ni Sumatsen Nelson Tungbaban sa isang restaurant sa Mendiola St. Maynila noong April 30.
Kuwento niya, ”Jollibee Mendio allowing this doggo to stay inside kasi mainit daw sa labas.”
Si doggy ay makikitang nakahiga sa rubber mat sa may pintuan. Kung pagmamasdan, mukhang hindi na baguhan doon si doggy dahil relax na relax ito sa pagkakahiga at kung minsan ay nakatihaya pa.
Ito ay naibahagi ng Be an Inquirer kung saan sinabi ni Sumatsen na nalaman niyang nakatira lang pala sa malapit ang aso na ang pangalan ay Ronron. Kapag malapit na raw ang closing time ng restaurant, pumupunta si Ronron sa may harapan. Ayon daw sa mga staff, naniniwala sila na ang mga oras na iyon ay medyo mainit ang panahon kaya naa-attract ang aso sa lamig sa loob.
Noong oras na makunan ni Sumatsen ng larawan ang aso, magsasara na ang restaurant kaya pinapasok ito. Hinahayaan umano siyang manatili sa loob dahil mabait naman ito at nasa pintuan lang lumalagi.
Para sa mga animal lovers, ibang saya ang dala ng mga aso sa mga ganitong establisimyento. Ito rin ay nakatatanggal ng stress.

“Please let the dog stay inside the store to rest. Dogs put a smile on peoples’ faces,” kumento ng isang netizen.
May mga pumuri rin sa restaurant dahil sa kabaitan nito sa mga asong gala. Ang iba naman ay hinihiling na i-adopt na lang umano nito si Ronron.
Malaya mang nakapapasok si Ronron dito, hangad pa rin natin na hindi ito pagala-gala para sa kanyuang kaligtasan. Ngunit kudos pa rin sa restaurant dahil sa pagbukas ng kanilang lugar para sa asong nangangailangan ng masisilungan.