
- Isang lalaki ang naglunsad ng donation drive sa social media upang humingi ng pinansyal na tulong para sa kanyang ama
- Pagkatapos makalikom ng mahigit P15,000, isang scammer na nagkunwaring magdo-donate ang kumuha ng mga sensitibong impormasyon sa account ng lalaki
- Hindi inaasahan ng lalaki na malilimas ang buong donasyon sa kanyang account dahil sa scammer
“Bakit naman po ganun? Kung sino pa nangangailangan siya pa bibiktimahin?” Ito ang nakasaad sa Facebook post ni Jayvee Buracan matapos malimas ng scammer ang perang kanilang naipon para sana sa pagpapagamot ng kanyang ama.

Kasalukuyang mayroong karamdaman sa puso ang ama ni Jayvee kaya naman naglunsad siya ng donation drive sa social media upang humingi ng tulong pinansyal. Ibinahagi ni Jayvee ang kanyang Gcash at account number upang dito magpadala ng kahit magkanong halaga.
“Sana kami ay inyong matulungan sa abot ng inyong makakaya para sa kanyang pag papagamot dahil hindi po sapat ang pang araw araw namin dahil sa hina ng biyahe ng tricycle at ako po ay nag-aaral kung kaya’t hindi sapat ang oras at kinikita ko sa araw-araw,” ang post ni Jayvee na umani ng libo-libong shares kaya naman marami ang nagbigay ng tulong.
Kuwento ni Jayvee, umabot sa mahigit P15,000 ang nalikom nilang pera sa Gcash mula sa mga netizen na nagbigay ng kanilang donasyon. Subalit lahat ng ito ay nawala matapos magkunwari ang isang scammer na magbibigay din ng donasyon pero mga sensitibong impormasyon ang kinuha mula kay Jayvee.

Nakuha umano ng scammer ang birth date at e-mail na ginamit ni Jayvee sa Gcash kaya naman nalimas nito ang perang kanilang naipon. “Hindi ko na po kasi naisip kung anong masamang mangyayari sa’kin, parang lahat ng maibibigay kong impormasyon dahil talagang nangangailangan po. Nabilog niya po ako tapos nakuha niya po sa’kin ‘yong mga impormasyon.”
Ini-report ni Jayvee ang pangyayari sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group upang ma-trace ang scammer na nanloko sa kanila. Sinabi naman ni PNP-ACG spokesperson Police Captain Mark Norbe na gagawin nila ang lahat ng makakaya upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Jayvee at maibalik sa kanila ang pera.
Muling nagbabala ang mga eksperto na huwag agad-agad magbibigay ng mga sensitibong impormasyon lalo na ng passwords sa online accounts.