75-anyos na lola mula Cebu napipilitang umakyat sa bundok para lang makapag-igib ng tubig

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube
  • Naitampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho kamakailan ang isang sitio sa Cebu na hirap sa suplay ng kanilang tubig
  • Kabilang sa mga residente ang 75-anyos na si Lola Matilde na nag-iisa na lamang sa buhay
  • Kasa-kasama ang kanyang mga alagang aso, umaakyat ang lola sa bundok sa loob ng mahigit isang oras para lang makapag-igib ng tubig

Maraming manonood  ang nahabag kamakailan sa isang segment ng KMJS tampok ang lola na mag-isa na lamang sa buhay. Bukod kasi sa hirap ang kanyang pamumuhay, malaking problema rin ang kawalan ng suplay ng tubig sa kanilang lugar.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Mula ang 75-anyos na si Lola Matilde sa Sitio Calibasan sa Brgy. Captain Claudio sa Toledo City, Cebu. Mag-isa na lang siyang naninirahan sa kanyang kubo kasama ang mga alagang aso. Sumakabilang-buhay na umano ang lahat ng kamag-anak ni Lola Matilde at tumanda rin siyang dalaga kaya walang kasama sa buhay.

Ang tanging maaaring mapagkunan ng suplay ng tubig sa kanilang lugar ay sa taas pa ng bundok. Kaya naman kahit matanda na, napipilitan si Lola Matilde na umakyat sa bundok at dumaan sa mga matatarik na bangin para lang makapag-igib ng kakaunting tubig.

Mahigit isang oras ang pag-akyat ni Lola Matilde sa bundok. Kasama ang mga alaga niyang aso na sina Kabang at Diana, dahan-dahan ang paglalakad ng lola paakyat ng bundok habang nakasabit sa kanyang ulo at balikat ang basket na naglalaman ng mga galon.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Matatagpuan sa mataas na bahagi ng bundok ang bukal na may malakas na agos ng tubig na siyang iniigiban ni Lola Matilde. Pagkatapos ng ilang oras na paglalakad ay mabilis na mapupuno ang tatlong galon na kanyang dala at saka muli siyang makikipagsapalaran pababa ng bundok.

Ani ng lola, ilang beses na siyang nadulas habang umaakyat at bumababa ng bundok para lang umigib ng tubig. Dahil na rin sa katandaan, nakararamdam na si Lola Matilde ng pananakit ng katawan lalo na sa kanyang paa.

Pag-uwi sa kanyang kubo, pinagkakasya ni Lola Matilde ang tatlong galong tubig sa kanila ng mga alagang aso at baboy. Hindi rin umano siya nagsasayang ng tubig at imbes na itapon ay ipanghuhugas pa niya ito.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Walang suplay ng tubig sa buong Sitio Calibasan, kaya naman nananawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na tumugon sa kanilang pangangailangan, lalo na at may mga labis na nahihirapan sa pagkuha lamang ng tubig tulad ni Lola Matilde.

Upang makatulong sa lola, pinatignan siya sa doktor na pumunta mismo sa kanilang lugar at nagbigay din ang LGU ng food packs at vitamins. Binigyan din siya ng KMJS ng pinansyal na tulong.

Panoorin dito ang buong video: