
- Umani ng libo-libong reactions ang obra ng isang artist tampok ang watawat ng Pilipinas
- Ginawa kasi ang artwork gamit ang mahigit 32,600 matchsticks, shoe glue, at acrylic paints
- Ayon sa artist, matagal na niyang ginagamit ang mga palito upang makagawa ng iba’t ibang obra
Mahalaga ang sinisimbolo ng watawat ng Pilipinas. Ito ang sagisag ng isang kapisanan, lipunan, o bansa kaya naman mataas ang respeto ng mamamayan sa tuwing nakakakita ng watawat ng Pilipinas.

Upang bigyang pugay ang watawat, itinampok ito ng isang artist sa kanyang obra gamit ang mga matchsticks o palito. Ang mga maninipis at maliliit na piraso na ito ang bumuo sa three dimension o 3D artwork.
Ibinahagi ni JC Apellado ang obra tampok ang watawat ng Pilipinas na gawa sa mga palito sa Facebook page na GUHIT Pinas. Sa FB group na ito ay makikita ang iba’t ibang nakabibilib na obra na gawa ng local artists.
Ayon kay JC, nasa mahigit 32,600 na mga piraso ng palito ang kanyang ginamit sa pagbuo ng 3D Philippine flag. Isa-isa niya itong dinikit sa canvas gamit ang shoe glue at pinintahan ng acrylic paint upang mabuo ang apat na kulay ng watawat: blue, red, yellow, at white.
Umani ng libo-libong reactions ang mga larawan ng 3D Philippine flag ni JC. Ni-repost din ito ng Philippine Star Facebook page kung saan mas maraming netizens ang bumilib sa nasabing obra.

“Good Job! This a very good example of a satire artwork that will generate many interpretation. One of which is the vulnerability of the current situation in regard to the WPS, with a single spark everything will go up in,” ani ng isang nagkomento.
Habang may ibang netizens naman ang nagtatanong kung ano ang mangyayari sa obra kapag sinindihan ang mga palito. Ayon kay JC, ang mga obra niyang gawa sa palito ang nagbigay daan upang makilala siya bilang artist.
“Dati po gumawa na ako ng ganyan noong 2018 at diyan ako nagkaroon ng pangalan bilang artist. Tapos noong nagkaroon na ng pinagkakaabalahan dahil sa dumami na ang nagpapagawa ng portrait at painting, nakalimutan ko na ang paggawa ng iba’t-ibang obra na gamit ang palito,” ani JC.
Ngayon ay ibinebenta ni JC ang 3D Philippine flag kasama ng iba pa niyang mga obra.