
- Isang residente na ang lumapit sa Raffy Tulfo in Action upang ireklamo ang matagal na nilang pinoproblema sa isang barangay sa Marawi
- Tone-toneladang mga basura kasi ang nakatambak lang at umaapaw na sa residential area kung saan malapit pa sa paaralan
- Nakausap naman ng programa ang mayor ng Marawi at opisyales ng waste management sa lugar na sinabing aaksyunan na nila ang reklamo
Agaw-pansin ang inireklamo sa Raffy Tulfo in Action kamakailan dahil sa YouTube title nito na “Babaliktad ang sikmura ninyo sa videong ito!” Bago rin simulan ang video ay nagpasintabi ang co-host ni Raffy Tulfo na si Sharee Roman sa mga nanonood dahil sa sensitibong video.

Sa video clips kasi na ipinalabas sa programa, makikita ang tone-toneladang mga basura na kuha umano sa Barangay Papandayan, Caniogan, Marawi City sa Lanao Del Sur. Sa sobrang dami ng mga basura ay halos gabundok na ito at sakop na ang malaking bahagi ng residential area.
Kuwento ng nagrereklamo na si alyas “Anna”, taong 2000 nang magkaroon ng naninirahan sa nasabing barangay, at ginawa umano ang dump site noong 2002. Dahil sinabing 500 meters away mula sa highway ang gagawing imbakan ng basura ay napapayag umano ang mga residente sa pag-aakalang hindi aapaw ang mga basura.
“Walang nagawa yung mga tao kasi mayor yung nagsabi nun, pumayag po ang karamihan. Ang problema po ngayon, ang tagal na dahil simula 2002 ay punong-puno na [ng basura ang dump site],” ani alyas Anna.

Nakausap naman ng programa ang mayor ng Marawi City na si Atty. Majul Gandamara at dito inamin niya na matagal na ngang problema ang mga gabundok na basura subalit pinapalinis na umano niya ito. Sumingit naman si Anna at sinabing pinapalinis lamang ito sa tuwing sila ay nagrereklamo subalit kalaunan ay mapupuno ulit ng mga basura ang lugar.
Sinabi naman nina Mayor Gandamara at Atty. Abbas Lao, focal person ng Solid Waste & Management Project, na tatanggalin na ang mga tone-toneladang basura dahil magkakaroon na ng panibagong sanitary landfill sa probinsya at gagawin na ring eco-park ang espasyo kung saan nakatambak ang mga basura.
Sa huli napagkasunduan na bibigyan ng update ni Anna ang programa kung talagang tatanggalin na ang mga basura sa kanilang lugar.
Panoorin dito ang buong video: