Senior citizen na nais lamang magnegosyo, na-scam matapos bigyan ng mga panlamig na damit imbes na shorts ng seller

Imahe mula Facebook
  • Ipinost ng isang netizen ang tungkol sa senior citizen na kasalukuyang nagtitinda ng ukay-ukay pang hanapbuhay
  • Subalit na-scam ang nasabing lolo dahil imbes na ang mga inorder na shorts na nagkakahalaga ng 5,000 ang natanggap ay mga panlamig na damit ang ibinigay sa kanya ng seller
  • Bumuhos naman ang tulong sa lolo at halos maubos na rin ang kanyang mga tindang damit

Umani ng libo-libong reactions ang post ng netizen na si Janyra Sabino tungkol sa isang matandang lalaki na kasalukuyang nagtitinda ng mga ukay-ukay na damit sa Batangas City.

Imahe mula Facebook

Ayon sa post, umorder ang 63-anyos na si Tatay Leodegario “Mamay Guryo” ng mga shorts na nagkakahalaga ng P5,000 sa isang seller. Subalit na-scam umano si Tatay Mamay at imbes na mga shorts ay mga panlamig na damit ang kanyang natanggap.

Dahil tag-init ang panahon ngayon sa bansa, nahirapan umanong ibenta ng 63-anyos na tatay ang mga panlamig na damit. Ang ilan pa umano sa mga ito ay ibinebenta na lamang niya ng sampung piso para lang makabawi sa puhunan na kanya pa umanong inutang.

“Kasi kailangan niya daw pong mapaubos ito. Sa lending niya lang daw po kinuha ang pinangpuhanan dito kaya mas nakakaawa si Mamay. Utang lang puhunan tapos nascam pa,” kuwento ng uploader na si Sabino sa The Philippine Star.

Imahe mula Facebook

Matapos ma-ipost at makita ng maraming netizens, bumuhos umano ang tulong para kay Tatay Mamay.

“Madami na pong natulong sa family nila. Andito po din po sila ngayon sa tapat ng bahay namin,” ani pa ni Sabino.

Nag-deactivate naman umano ng Facebook ang seller na nagbenta kay Tatay Mamay. “Maiyak-iyak pa si tatay sabi samin ‘anak hayaan mo na, pera lang yan. ‘Yan binigay sa atin ng nasa taas. Biyaya yan kaya gawan natin ng paraan.'”

Imahe mula Facebook

Sa isang pang Facebook post, nagpasalamat naman ang anak ni Tatay Mamay na si Lerio Tabaya sa mga tumulong sa kanyang ama.

“Maraming salamat po talaga sobra po napakapalad po namin dahil napakabusilak po ng puso n’yo salamat po ng marami Janyra Sabino at sa kanyang mga kapamilya, kaibigan at kakilala.”

Sa mga nais pang tumulong kay Tatay Mamay, matatagpuan ang kanyang ukay-ukay sa kahabaan ng Balete Relocation Site, Batangas City.