
- Naibalita ang tungkol sa mga misteryosong bulate na basta na lamang umanong lumitaw sa baybayin ng isang barangay sa Ilocos Sur
- Ang sangkatutak na bulate ay kulay asul at brown na tinatayang may haba na 10 pulgada, at unti-unti rin itong nawala pagdaan ng ilang oras
- Pinayuhan naman ng eksperto ang mga residente na huwag itong hawakan kung sakaling magpakita ulit
Ang mga bulate ay maituturing na parasite lalo na kung hindi matukoy ang pinagmulan ng mga ito. Tulad na lamang ng naibalita kamakailan sa GMA Regional TV program na “Balitang Amianan.”

Sangkatutak na mga bulate ang bigla na lamang umanong lumitaw sa baybayin ng Barangay Sabang sa Cabugao, Ilocos Sur. Ito ang unang beses na makakita ang mga residente na maraming bulate na mayroon umanong mga “paa.”
Sa panayam sa residente na si Carl Jomari Rebogio, sinabi niyang ang mga bata na naglalaro sa tabing-dagat ang unang nakakita sa mga bulate. “Bale tapat namin ang dagat na biglang nagkagulo ‘yung mga batang naglalaro sa tabing-dagat.”
Kinuhanan naman ng video ni Rebogio ang mga bulate na kulay asul at brown at may haba umanong sampung pulgada. Ayon sa kanila, dakong alas-siyete ng gabi namataan ang mga bulate.

Nagdulot din ng pangamba para sa mga residente ang sangkatutak na bulate na unti-unti rin umanong naglaho dakong 10:00 ng gabi. Ayon kay Rebogio, hindi naman umano polluted ang kanilang baybayin kaya naman palaisipan para sa kanila kung saan nanggaling ang mga ito.
Nangamba rin ang mga mangingisda sa maaaring idulot ng mga bulate sa kanilang mga nahuhuling isda at kabuhayan. Kaya naman nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang masuri ang mga misteryosong mga bulate.

“Kukuha sila (BFAR) ng isang garapon as specimen. Ia-analyze din nila kung ano talaga [ang mga bulate] kasi ayon sa BFAR personnel, first time din nilang makakita ng ganu’ng bulate,” ani Nereo Daproza, pinuno ng Cabugao-DRRMC.
Pinayuhan din ni Daproza ang mga residente na sa susunod na makikita muli ang mga bulate ay huwag lapitan o hawakan dahil maaaring nagtataglay ang mga ito ng nakalalasong kemikal.