Pangarap na dollhouse na ‘di mabili noong bata siya, ibinigay ni Kiray sa pamangkin niya

  • Katulad ng maraming batang babae, pangarap din ng aktres na si Kiray Celis na magkaroon ng dollhouse
  • Hindi siya nagkaroon nito noon dahil walang pambili ang kanyang mga magulang
  • Ngayong patuloy ang karera bilang aktres, tinupad niya ang pangarap na iyon para sa pamangkin niya

Malaking bahagi ng kabataan ng maraming batang babae ang paglalaro ng dollhouse, ngunit hindi lahat ay pinapalad na magkaroon ng laruang ito; gaano man ito kauso, gaano man nila kagusto. Isa ang aktres na si Kiray Celis sa mga hindi naibili ng magulang ng nasabing laruan dahil sa payak nilang pamumuhay.

Image captured from Instagram

Ngunit tapos na ang mga sandali na pangarap lamang ang makabili ng dollhouse. Ngayon patuloy ang karera niya bilang isang aktres, tinupad niya ang pangarap na ito para sa minamahal niyang pamangkin.

“Halos lahat yata ng batang babae pangarap magkaroon ng dollhouse, at isa ako sa mga ‘yon. Kaso wala kami pambili noong bata pa ako. Kaya tutuparin ko lahat ng ‘yon para sa mga pamangkin ko,” pagbabahagi niya sa caption ng litrato na ini-upload sa Instagram, kung saan makikita kung gaano kasaya ang bata sa bago nitong laruan.

Kiray ibinahagi bakit mga luma ang kinakanta noon sa Munting Miss U

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mga pinagdaanan ni Kiray noong siya ay bata pa. Minsan na rin ikinuwento ni Kiray kung bakit mga lumang kanta ang inaawit niya noon sa Munting Miss U ng MTB o Magandang Tanghali Bayan kahit na siya ay tatlong taong gulang pa lamang.

“Three years old ako noong sumali ako sa contest,” pagbabalik-tanaw niya. “Quando Quando, Il Mondo, The Way It Used to Be, Oh! Carol, Carmelita–ilan lang iyan sa mga nakabisado kong kanta noong three years old ako. Nagtataka ba kayo kung bakit luma iyong mga kinakanta ko?”

Images via Kiray Celis | Instagram

Nakatatawa man daw isipin ngunit utang daw niya ang lahat sa mga nag-iinuman at nagvi-videoke sa lugar na dati nilang tinitirahan.

“Sa araw-araw kasi na may nag-iinuman at nagvi-videoke sa labas ng bahay namin, lahat po ng kanta nila ay nakabisado ko na! Hahaha! Medyo funny pero totoo. Kaya salamat po sa mga lasinggero na kapitbahay namin, kayo po ang isa sa mga dahilan kung asan po ako ngayon,” aniya.

Ikinuwento rin ni Kiray ang mga totoong dahilan kaya sumali siya sa patimpalak.

“Ayaw ko na magtrabaho ang papa ko pabalik ng ibang bansa at para may pambayad kami sa renta ng inuupahan naming maliit na kuwarto,” pagbabahagi niya.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: