Pagsagip ng security guard sa isang bata mula sa loob ng nagliliyab na kotse nakuhanan ng CCTV

  • Nakunan sa CCTV ang pagsagip ng security guard sa tatlong taong gulang na lalaki mula sa nagliliyab na kotse
  • Dahil sa naging mabilis na pagresponde ng security guard ay pinarangalan siya ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Davao region
  • Muli namang nagpaalala ang BFP tungkol sa pagsusuri sa mga sasakyan o bahay lalo na sa panahon ngayon na tag-init

Kapag may mabilis na dadaanan sa isang lugar, karaniwang iniiwan na lang ng mga magulang o nakatatanda ang mga bata sa loob ng sasakyan basta’t naka-enable ang child lock ng kotse.

Imahe mula sa video ng BFP-Davao Region

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, mayroong mga pangyayari na nagaganap habang wala ang magulang o nakatatanda na lumabas sa sasakyan. Tulad na lamang ng isang pangyayari sa Davao City kung saan nagliyab ang isang sasakyan habang may bata na nakasakay sa loob nito.

Nakuhanan ng CCTV ng isang paaralan ang pagsagip ng security guard sa batang lalaki na nasa loob ng nagliliyab nang sasakyan na nakaparada sa labas ng paaralan.

Sa halos dalawang minutong video, makikita na sumilip sa labas ang security guard na nakilalang si Kenneth Brian Cangke, at agad niyang napansin na mayroon nang usok na lumalabas sa likod ng isang nakaparadang Volkswagen.

Imahe mula sa video ng BFP-Davao Region

Agad na sinilip ni Kenneth ang loob ng sasakyan at makikitang agad itong nagmadali upang buksan ang pinto nang mapansin ang batang lalaki sa loob ng sasakyan. Agad na inilabas ni Kenneth ang bata mula sa sasakyan at dinala sa ligtas na lugar.

Dali-dali ring kinuha ng security guard ang fire extinguisher at saka ito itinutok sa lumiliyab nang sasakyan upang apulahin ang apoy. Naging mabilis ang aksyon ng nasabing guard kaya naman walang ibang matinding pagkapinsala sa nangyari.

Imahe mula sa video ng BFP-Davao Region

Sa culminating activity ng BFP Davao para sa kanilang Fire Prevention Month na isinagawa kamakailan, pinarangalan dito si Kenneth dahil sa nagawang pagsagip sa batang lalaki mula sa nagliliyab na kotse.

Nagpaalala naman ang BFP na sa panahon ngayon ng tag-init, mainam na laging i-check ang loob ng bahay at maski ang mga sasakyan upang makaiwas sa overheat at pagkasunog.

Panoorin dito ang buong video ng pagsagip ng security guard sa batang lalaki:


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: