
- Kinaaliwan sa social media ang unang nag-viral na katanungan kung ano ang apelyido ng “Soul Siren” na si Nina
- Muling naging usap-usapan at pinagdebatehan online kung ano naman ang apelyido ng komedyante na si “Mahal”
- Naging witty ang kasagutan ng Pinoy netizens tungkol sa kung ano ang apelyido ni Mahal tulad ng “Kaba”, “Na Araw”
Sa dami ng mga napapanood at nababasa nating nakababahalang balita at mga isyu sa social media, nakatutuwang makakita ng mga nakaaaliw na post na kahit papaano ay nakapagbibigay saya sa mga Pinoy lalo na sa panahon ngayon.

Naniniwala ang karamihan na mababaw ang kaligayahan ng mga Pinoy, at makikita naman ito sa mga usapan sa social media at mga ginagawang katatawanan. Kamakailan nga ay nagbigay aliw sa maraming netizen ang usap-usapan at debatehan tungkol sa kung ano nga ba ang apelyido ng singer na si Nina.
Sa isang Twitter thread, nagbahagi ng kanilang mga “witty” na sagot ang netizens tungkol sa apelyido ng tinaguriang “Soul Siren” na si Nina. May mga nagsabing ang kanya umanong apelyido ay “Natuto” –Nina Natuto (‘di na natuto), “Nina Kawan (ninakawan),” at “Nina Pareño (Gina Pareño).”
Pagkatapos ni Nina, sunod naman na hinulaan at kinaaliwan ang mga sagot ay ang tungkol sa kung ano ang apelyido ng komedyanteng si “Mahal.”
Ang katangungan na ito ay ibinahagi ng Facebook page ng GMA Network at libo-libong netizens ang nagbigay ng kanilang nakaaaliw na sagot.

Kabilang sa mga nakatanggap ng pinakamaraming likes ay ang mga kasagutan na: Mahal Kaba, Mahal Ko C. Sen Sen, Mahal Na Sareno, Mahal Bigas, Mahal Rot, Mahal Na Araw, at Mahal Blanca.
Mayroon namang isang netizen ang nagseryoso at sinabi ang pangalan ni Mahal sa totoong buhay: Noemi Tesorero.
Bukod sa mga kasagutan, ginawan rin nila ito ng mga memes at edited pictures na lalong nagbigay aliw sa mga nagbabasa.

Bukod kina Nina at Mahal, pinag-usapan din online ang mga apelyido nina Kyla, Jaya, at Sitti.
Sa kanyang Instagram post, sinabi ng “Bossa Nova” na si Sitti na natutuwa siya na kahit papaano ay nagbigay-aliw ang kanyang pangalan.
“Masaya akong napasaya ko kayo sa ganitong paraan. Salamat, #twitterverse,” ani Sitti na ang apelyido umano ay “scan,” Sitti Scan.