P46 na kinita sa pagbebenta ng bakal, ibinigay ng lalaki sa community pantry

  • Hinangaan ng netizens ang isang lalaki matapos niyang i-donate sa community pantry sa Quezon City ang napagbentahan niya ng bakal
  • Bagama’t maliit lang na halaga ang P46, naisip ng lalaki na malaking tulong na ito sa nangangailangan
  • Salat din sa buhay ang lalaking nagbigay ng donasyon, subalit mas inisip niya ang kapwa na mas nangangailangan

Sa mga nakaaantig na kuwento na naglipana sa social media, masasabing ang bayanihan na ipinalaganap sa pamamagitan ng community pantry ay nagpapakita na hindi lamang ang mga may kaya ang nais na tumulong, kundi maski iyong mga salat sa buhay.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

Nakuhanan sa CCTV kamakailan ang pagpunta ng isang lalaki sa drop-off point ng community pantry sa Maginhawa at saka may iniabot sa isa sa mga volunteer. Nakilala ang lalaki sa CCTV bilang si Tatay Romeo Yap, siya ay lumapit sa community pantry hindi upang kumuha ng suplay kundi para magbigay ng donasyon.

Sa ulat ng 24 Oras, napag-alaman na ibinigay ni Tatay Romeo ang kanyang kinita sa pagbebenta ng bakal mula sa nasirang bubong ng kanilang bahay. Bagama’t halagang P46 lamang ang kanyang napagbentahan, naisip ng 56-anyos na malaking tulong na rin ito para sa nangangailangan.

“Isang daang tao magbigay ng halagang P46, malaking tulong dito sa pantry,” ani tatay Romeo sa kanyang panayam sa 24 Oras. Ayon naman kay Dodoy Ganot, ang volunteer na tumanggap sa ibinigay na pera ni Tatay Romeo, nagdalawang-isip umano siya kung tatanggapin niya ang donasyon na pera.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

Kuwento ni Dodoy, minsan na kasi niyang nakitang nakapila si Tatay Romeo sa community pantry kaya laking gulat niya nang magbigay ito ng donasyong pera. Aminado naman si Tatay Romeo na maski sila ay nagkukulang sa pagkain ngayong may pandemya, hindi rin siya makapagtrabaho bilang mekaniko dahil sa iniindang karamdaman.

Salat man sa buhay, mas inaalala ni Tatay Romeo iyong mga wala talagang makain, “naisip ko ang daming nakapila, siguro mas kailangan nila.” Marami namang netizens ang humanga sa kuwento ni Tatay Romeo.

“Salute sa’yo sir . Ang salapi hindi madadala sa langit, pero ang puso mo ay napakalinis. Nalulugod sa’yo ang Panginoon, sa ginawa mo higit pa sa gantimpala ang ibibigay ng Panginoon sa’yo,” ani ng isang netizen.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: