
- Isang nurse sa Quezon City na nagpositibo sa COVID-19 ang nahawaan ang kanyang ina na isang senior citizen
- Kahit nurse sa mismong pinagtatrabahuhan na o
spital ay hindi niya maipasok ang ina dahil punuan na ang mga COVID-19 ward - Kaya naman ginawa na lamang na COVID-19 ward ng nasabing nurse ang kanilang bahay at siya na rin mismo ang gumagamot sa ina
Marami na sa mga medical frontliners ang nagpopositibo sa COVID-19 dahil sa kanilang exposure sa mga pasyente na kanilang ginagamot. Subalit dahil sa dumaraming bagong kaso ng COVID-19 at mababang rate ng recoveries, punuan na ang mga ospital sa National Capital Region.

Isa ang nurse na si Nemray Mislang sa mga nagpositibo sa COVID-19. At dahil nabakunahan na siya noong Marso ay naging “mild” na lamang ang kaso niya. Nagtatrabaho bilang nurse si Nemray sa emergency room ng isang ospital sa Quezon City.
Subalit kahit nagtatrabaho na sa ospital, hindi pa rin nagawang maipasok ni Nemray ang nahawaan na ina na isang senior citizen. Nasa “waiting list” ng pinagtatrabahuhang ospital ang kaniyang ina at hindi na rin siya makahanap ng iba pa pasilidad na agad na tatanggap ng COVID-19 patient.
“Hinahanapan ko siya ng hospital pero wala talaga sa buong NCR,” ani Nemray. Kaya naman gumawa na lamang siya ng paraan upang kahit papaano ay mabigyan na ng karampatang gamot ang ina na may COVID-19.

Ginawa nang COVID-19 ward ni Nemray ang kanilang bahay. Dito ay mayroon silang IV tube, monitor, at oxygen tank upang matulungan ang kanyang ina na isang “moderate to severe” case ang kalagayan.
Si Nemray na rin ang nagmo-monitor, gumagamot, at nag-aasikaso sa kanyang ina.
“Hindi naman namin puwedeng basta-basta isipin na pasyente lang sila. Siyempre, extra, double ‘yung care mo sa kanila at pag-aalaga. Nakakapanghina pero laban lang,” ani ng nurse.

Kuwento pa ni Nemray, bago magpositibo sa COVID-19 ay halos 16 hours ang kanyang duty sa ospital at umaabot sa sampung pasyente ang inaalagaan. Kaya aminado si Nemray na sa sobrang dami ng pasyente na dinadala sa ospital ay napupuno na ang mga ito at kinakailangan nilang maghintay.
Dahil sa pagdami ng healthcare workers na nagpopositibo sa COVID-19, muling nanawagan ang Filipino nurses united na magkaroon ng sapat ng proteksyon, suweldo, at benepisyo para sa mga nurse, doctor, at iba pang healthcare workers. Sinabi rin nila na kinakailangan nang magkaroon ng free mass testing, systematic contact tracing, mas mabuting quarantine services, at economic support ang bansa.