
- Kabilang sa mga pinakasikat na cartoon characters sa mga bata noong dekada 90 sina Cedie at Sarah
- Si Cedie ang lead character ng Filipino-dubbed version ng 1998 Japanese animated series na Little Lord Fauntleroy
- Si Sarah naman ang bida sa Filipino-dubbed version ng 1985 Japanese animated series na Princess Sarah
Noong dekada 90, naging bahagi na ng umaga ng maraming batang Pilipino sina Cedie at Sarah; ang mga lead character ng mga sikat na Filipino-dubbed versions ng dalawang popular Japanese animated films. At dahil napamahal na sila sa mga ito, pagkalipas ng maraming taon ay nananatili pa rin ang mga karakter na ito sa kanilang mga puso.

Sa isang Facebook group, binalikan ng isa sa mga miyembro ang mga panahong pinanonood muna niya bago pumasok sa paaralan ang Filipino-dubbed version ng 1998 Japanese animated series na Little Lord Fauntleroy na Cedie, Ang Munting Prinsipe at ang Filipino-dubbed version ng 1985 Japanese animated series na Princess Sarah na Sarah…Ang Munting Prinsesa.
Marami ang naka-relate at agad na bumalik sa nakaraan.
“Iyang mga iyan ang pinanonood ko bago pumasok sa school,” kumento ng social media user na si Ressie Rumbawa. “Hindi bale nang ma-late ako mapanood ko lang ‘yan.”
“Number one fan ako niyan,” pagbabahagi ni Marilor Guevarra. “Minsan nga nale-late ako sa pagpasok kahit ako ang may hawak ng susi ng room namin hehehe! Nagagalit lahat ng titser.”
Wika naman ni Melza Mosquera, “Lahat ng 90s cartoon series paborito ko, lalo na si Cedie. Binabalik-balikan kong panoorin. Hindi siya nakakasawa kahit may asawa na ako, saka mapupulutan siya ng aral para sa ating mga anak.”
Matatandaan na dahil sa popularidad ng dalawang animated series ay parehong nagkaroon ang mga ito ng live action remake sa bansa at pinagbidahan ng popular child stars noon na sina Camille Prats at Tom Taus.
