
- Nakaaantig ang kuwento ng isang netizen tungkol sa kanyang nasaksihan habang bumibili ng gamot
- Sa kanyang kuwento, isang nanay ang hindi makabili ng buong gamot dahil kulang ang kanyang pera
- Isang lalaki naman na nakakita sa nanay ang nagboluntaryong bayaran ang lahat ng gamot na kailangan nito, at ang pinakahindi malilimutan ng netizen ay ang sinabi ng lalaki sa nanay
Marami na tayong mga nabasa at narinig na kuwento tungkol sa pagtutulungan o bayanihan ng mga Pinoy sa panahon ngayon ng pandemya. Kung sino ang mayroong biyaya, ibinabahagi nila ito sa mga less-fortunate na kababayan.

Ganitong eksena ang nasaksihan kamakailan ng netizen na si Mandy Viray na kanyang ibinahagi sa Facebook. Ang post niya tungkol dito ay umani na ng 242,000 reactions at 124,000 shares. “Today, I saw God. It was a precious encounter!” ang panimulang kuwento ni Viray.
Sa kanyang post, ikinuwento ni Viray na habang siya ay nasa pharmacy ay may nakasabay siyang isang nanay na bumibili rin ng gamot. Ayon sa pharmacist, umabot sa P1,100 ang mga gamot na binili ng nanay.
Dahil sa laki ng halaga ng mga binili, napatingin umano ang nanay sa supot na kanyang dala na naglalaman ng mga barya. Sa kasamaang palad, hindi umabot ang mga dala niyang barya upang mabili lahat ng kinakailangang gamot.

“Pwede ba makabili kahit tig iisang piraso ng nasa reseta? 200 lang pera ko pasensya na,” ang nabanggit umano ng nanay. Subalit bago pa bawasan ng pharmacist ang mga biniling gamot ay nagsalita umano ang lalaking kasabay din nilang bumibili.
“Sabi ni kuya sa pharmacist, ‘Miss, sagot ko na yung kulang, bigay mo yung lahat ng nasa reseta ni Nanay,'” ani Viray. Sa ginawang ito ng lalaki ay labis umano ang kasiyahan ng nanay dahil nabili niya lahat ng gamot. “Tuwang tuwa si nanay grabe yung pagpapasalamat nya kay kuya.”
Subalit hindi lamang ito ang nagpaantig sa damdamin ni Viray at ng nanay, “Nung naibigay na ang gamot, ‘di ko makakalimutan yung eksaktong sinabi ni kuya kay nanay…”
“Nay, ‘di sa akin galing yan, sa Diyos yan galing. Sa Diyos po tayo magpasalamat.” Kaya naman labis ang paniniwala ni Viray na nakita umano niya ang Maykapal dahil sa kabutihan na ipinakita ng isang estranghero, “yes, I saw God today.”
“Hindi kailangan maging mayaman para gumawa ng mabuti—kahit simpleng pagtulong sa kapwa gaya ng pagbibigay ng pagkain sa nagugutom, pagdamay sa mga napipighati, pagtulong sa nangangailangan at iba pa,” ani pa ng uploader.