Netizen hinihikayat ang mga Pinoy na bumili rin ng isang gallon ng sorbetes imbes na bumili pa sa grocery stores

Imahe mula kay Crystal Caritativo via Facebook
  • Umani ng libo-libong reactions ang post ng isang netizen tungkol sa pagbili niya ng isang gallon ng sorbetes
  • Hinihikayat ng uploader ang ibang Pinoy na subukan ding bumili ng gallon ng sorbetes sa mga lokal na sorbetero na nagtitinda sa lansangan
  • Bukod kasi sa hindi na kailangan pang lumabas para pumunta sa grocery, malaking tulong din ito sa negosyo ng mga sorbetero

Ngayong panahon ng tag-init , nauuso na rin ang iba’t ibang malalamig na inumin, merienda, at pati panghimagas upang kahit papaano ay mapawi ang init ng panahon.

Imahe mula Freepik

Kabilang sa mga nauusong pagkain ngayong summer ay ang ice cream o sorbetes. Karaniwang mabibili ang mga ito sa mga sari-sari store o maski sa grocery store kung saan ay ibinebenta ang iba’t ibang flavors nito at may magkakaibang sukat, depende sa dami ng kakain.

Subalit bukod sa pagbili sa mga tindahan, mabibili rin ang ice cream sa labas lamang ng bahay dahil sa mga sorbetero na dumadaan sa lansangan habang tulak-tulak ang kariton na naglalaman ng mga ibinebenta nilang sorbetes.

Isang post tungkol sa pagbili ng sorbetes ang kamakailan ay nag-viral dahil sa mensaheng ipinapaabot nito. “Normalize buying a gallon from Kuya sorbetero over heading to grocery stores,” ani Crystal Caritativo sa kanyang post sa Facebook page na “What’s your ulam pare?”

Imahe mula Facebook

Kuwento ni Crystal sa The Philippine Star, hindi umano siya mahilig sa ice cream at hindi rin siya gaanong bumibili nito. Subalit dahil kaarawan ng kanyang ama at upang hindi na siya pumunta pa sa grocery store para bumili ng isang gallon ng sorbetes, naisipan na lang niya bumili ng dirty ice cream.

Mula si Crystal sa Kamuning, Quezon City, at ang mamang sorbetero na kanyang napagbilhan ay mula pa umano sa Barangay Bungad at naglalakad ito sa kahabaan ng QC upang magtinda ng ice cream.

“Medyo kakapagod [para] kay kuya pero look at his Duchenne smile. Maaga raw siyang ko-quota,” ani pa ng uploader. Hindi man umano niya nakuha ang pangalan ng sorbetero, hinikayat naman niya ang mga kapwa Pinoy na tangkilikin ang mga maliliit na negosyo tulad ng mga mamang sorbetero.