
- Nakabibilib ang ginawang diorama ng isang netizen tampok ang mga highway at sasakyang makikita sa Metro Manila
- Ang miniature artwork na kanyang nililikha ay gawa lamang sa recycled materials tulad ng gamit na illustration board, karton, at bond paper
- Ayon sa miniature artist, simula 2009 ay gumagawa na siya ng diorama para sa kanilang school project
Marahil isa sa mga mabuting naidudulot ng nagaganap na community quarantine sa bansa lalo na sa Metro Manila ay ang pagkawala ng trapiko dahil limitado lamang ang mga Pinoy na lumalabas. Marami ang hindi na pumapasok sa kanilang opisina dahil naka-work from home setup na sila.

Dahil mahigit isang taon na tayong naka-community quarantine, nagkaroon ng panahon ang isang netizen na makagawa ng diorama tampok ang iba’t ibang pampublikong transportasyon, pribadong sasakyan, at ang major highways na matatagpuan sa Metro Manila.
Ibinahagi ni Ann Jun, 29-anyos mula Cainta, Rizal, ang kanyang nilikhang miniature artwork tampok ang nakikita sa trapiko ng Metro Manila. Bukod sa mga sasakyan ay makikita rin sa nakamamanghang diorama ni Ann ang iba’t ibang gusali, road signs, barricades, pedestrian overpass bridge, at iba pang matatagpuan sa highway ng Metro Manila.
Kuwento ng miniature artist, taong 2009 pa siya natutong gumawa ng diorama para sa kanilang school project. “Natuto lang po ako sa internet at sa mga kaibigan ko po. ‘Yun una kong model is ‘yung LRT line 2,” ani Ann sa kanyang panayam sa The Philippine Star.

Nakabibilib din ang kanyang ginawang miniature ng LRT Line 2 dahil kuhang-kuha niya maski ang maliliit na detalye. Nagawa na rin niya ang miniature art ng LRT Line 1 at MRT-3. Aniya, gawa sa recycled materials ang kanyang nililikhang miniature arts.
“Bale ang gamit kong materials ay used illustration board, mga gamit na karton, mga gamit na bond paper. Basta magandang material pwede,” ani Ann. “‘Yung mga diecast naman po binibili ko po then parang kotse ako po nagrerepaint and nagmomodify,” dagdag pa niya.

Kuwento pa ng miniature artist, ang isang bahagi ng diorama ay tinatapos niya sa loob ng ilang araw o isang linggo. “Mahaba na ‘yung two weeks pero ’yung maliliit na detalye like ‘yung poste mabilis lang po iyon.”
Bisitahin ang Facebook page ni Ann upang makita ang iba pa niyang nakabibilib na miniature art: Ann Jun