Milk tea shop sa Palawan naisipang gumamit ng bayong at iba pang eco-friendly products para sa take-out orders

Imahe mula sa Rio Tea Blend via Facebook
  • Isang milk tea shop sa Palawan ang binabalik-balikan ng mga customer dahil sa kanilang special milk tea series
  • Bukod sa pagbebenta ng mga inumin, hangad rin ng shop na maprotektahan ang kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng eco-friendly products
  • Isa sa kanilang mga gamit ngayon ang bayong na gawa sa buri kung saan inilalagay ang mga milk tea para dalhin sa customers

Naglipana ang iba’t ibang maliliit na negosyo sa lahat ng sulok ng Pilipinas. Kabilang sa mga nauusong pagkakakitaan ngayon ay ang pagbebenta ng milk tea na patok sa panlasa ng maraming Pinoy.

Imahe mula sa Rio Tea Blend via Facebook

Ngunit dahil ang pagbebenta ng milk tea ay ginagamitan ng plastic products, naisipan ng isang milk tea shop sa Palawan na gumamit ng mga produkto na makatutulong rin sa kapaligiran.

Ang Rio Tea Blend ay isang milk tea shop na matatagpuan sa Brgy. Rio Tuba, Bataraza sa Palawan.

Sa kanilang Facebook page na may mahigit 4,800 likes ay ibinabahagi nila ang mga nakatatakam na milk tea series na binabalik-balikan ng customer.

Bukod sa kanilang milk tea, agaw-pansin din ang “take-out bayong” ng Rio Tea Blend dahil imbes na plastic na lalagyan, sa bayong na gawa sa buri inilalagay ang mga order na milk tea na ide-deliver sa mga customer.

Imahe mula sa Rio Tea Blend via Facebook

“Noong ini-establish pa lang namin ang business, mayroon na po talaga akong thinking na paano natin matutulungan ‘yung kapaligiran habang ine-enjoy ‘yung mga favorite drinks katulad ng milk tea. Since ako mismo ‘yung magiging seller mas pipiliin ko ‘yung mga eco-friendly na materials. Starting from the cup, gumagamit kami ng paper cups and reusable cups, paper straw,” ani Austin Jay B. Tatel, may-ari ng Rio Tea Blend. Aminado rin siyang mas mahal ang pagiging eco-friendly na business.

Bukod sa pangangalaga sa kapaligiran, ang pag-promote ng take-out bayong ay makatutulong din umano para sa mga local farmers sa nasabing lugar. “Ma-strengthen yung community at makilala sa way na gumagawa sila ng mga ganoong products. ‘Yung first project ko was the bamboo holders then second itong bayong na gawa sa buri.”

Imahe mula sa Rio Tea Blend via Facebook

Kuwento pa ni Austin, dahil take-out orders pa lamang ngayon ang kanilang tinatanggap, ang take-out bayong ang pinaglalagyan ng mga order ng customer para i-deliver sa kanila. “Once na maraming nagkaroon ng interest sa bayong, puwede namin itong i-benta. Support na rin ito sa mga local farmers.

“Para sa mga business owners, maliit man ‘yan or malaki, PADAYON lang tayo kahit sa panahon na ganito. Pagsumikapan natin nang maigi. May time talaga na mahina at may time rin na malakas. Hindi tayo puwedeng sumuko dahil maraming umaasa sa atin, ‘yung ating mga staff at s’yempre ang ating mga customers.”

Kudos sa inyo, Austin!