Mga hotel na binabalak palang gawing isolation sites, puno na rin ng mga pasyente na naka-quarantine

  • Hiniling ng isang grupo kay Pangulong Duterte na gawin nang hospital facility ang mga hotel sa NCR na wala naman gaanong naka check-in
  • Ayon naman sa Philippine Hotel Owners Association, gustuhin man ng ilang hotel na maging hospital facility ay punuan na rin ang mga ito
  • Ang mga hotel ay ginagamit din bilang quarantine facility ng mga OFW na bumalik sa bansa

Kamakailan ay lumabas ang balita na hiniling ng grupo ng mga doktor kay Pangulong Rodrigo Duterte na aprubahan na ang paggamit sa mga hotel sa NCR bilang hospital facility. Dahil na rin ito sa lumalalang kakulangan ng mga kama at wards sa mga ospital.

Imahe mula PIA

“Ang pinaka-primary concern namin ay kung saan natin mailalagay ‘yong mga pasyente, paano natin matutulungan kasi kailangan nilang ma-admit sa ospital,” ani Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians (PCP).

Ayon sa PCP, halos wala namang naka check-in na mga turista sa mga hotel lalo na at ipinagbabawal pa ang non-essential travel. Handa rin umano ang grupo na tulungan ang pamahalaan kung sakaling payagan na ang paggamit ng mga hotel bilang hospital facility.

Suportado man ang kahilingan na ito ng PCP, sinabi naman ng pangulo ng Philippine Hotel Owners Association na si Arthur Lopez na marami sa mga hotel na kasapi sa kanilang grupo ay punuan na rin dahil ginagamit bilang quarantine facility.

“The bad news is we’re all fully-booked, we cannot give any more facilities to the request of this physicians’ group. The majority of our hotels, these are all OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) OFW hotels, kulang pa nga,” paliwanag ni Lopez.

Imahe mula PNA

Maganda man ang hangarin ng PCP, may pag-aalinlangan naman ang mga miyembro ng Hotel Sales and Marketing Association (HSMA) sa panukala. Ayon kay HSMA President Christine Anne Ibareta, iniisip din nila ang kapakanan ng mga hotel staff na maaaring mahawaan kung sakaling maging isolation site ang mga hotel.

Dagdag pa ni Ibareta, walang ideya ang kanilang mga empleyado sa magiging set-up dahil wala naman silang kakayahang medikal.

“Dapat we have to get clearance from the Bureau of Quarantine and then the Department of Health,” ani Ibareta.

Matatandaan na sinabi na ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magpapatayo ang gobyerno ng karagdagang isolation facilities para sa dumaraming bilang ng mga pasyenteng may COVID-19.

Ayon naman sa Metropolitan Manila Development Authority, inumpisahan na rin na inspeksyunin ang mga paaralan na maaaring gawing isolation facility sa tulong na rin ng Philippine Red Cross.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: