Mayor Sara Duterte pabor sa operasyon ng e-sabong na ipatutupad sa Davao City: ‘May hinahabol tayo na pera’

Imahe mula PNA
  • Inirekomenda ng Davao City councilors ang pagbubukas ng operasyon para sa online o electronic sabong (e-sabong)
  • Pabor naman sa rekomendasyon na ito si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil isang paraan ito upang kumita ang lungsod
  • Kabilang ang sabong sa mga unang ipinagbawal ng IATF sapagkat nakitang isa ito sa mga dahilan kaya kumalat ang COVID-19

Sa gitna ng COVID-19 surge na nararamdaman ngayon ng bansa ay ang mahigpit na pagbabawal ng mga event at mass gathering. Dahil mas mabilis na makahawa ang COVID-19 variant, mabilis itong kakalat lalo na kung magkakatabi o sama-sama ang mga tao.

Imahe mula cavite.gov.ph

Noong March 2020, isa ang sabong sa mga pinakaunang ipinagbawal ng IATF dahil lumabas sa mga imbestigasyon na ito ang dahilan kaya kumalat ang COVID-19 sa ilang bahagi ng Mindanao.

Subalit dahil sa modernisasyon ngayon, maaari na ring gawing “virtual” ang pagsasabong sa pamamagitan ng online na panonood at pagtataya. Tinawag na electronic-sabong o e-sabong, ang mga maaaring magpatupad nito sa bansa ay iyong mga binigyan ng lisensya ng lokal na pamahalaan.

“Licensed local online sabong operators will only be allowed to livestream cockfights from cockpit arenas duly licensed by the local government units and with the necessary permits,” ayon sa pahayag noon ni PAGCOR chief Andrea Domingo.

Imahe mula Noypi Geeks

Pabor naman sa operasyon ng e-sabong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nang irekomenda sa kanya ng city councilors ang tungkol dito. Ayon kay Mayor Sara sa kanyang radio interview kamakailan, makatutulong ang operasyon ng mga e-sabong sa kanilang ekonomiya lalo na at maraming negosyo ang nalugi.

“May hinahabol tayo na pera na kailangan nating hanapin from other sources kasi hindi na natin maaasahan ang mga regular sources natin dati, ‘yung local taxes natin, especially nahihirapan ang mga businesses ngayon,” ani Mayor Sara.

Tiniyak din ni Mayor Sara na hindi pagmumulan ng mass gathering ang pagpapatupad ng e-sabong, “we’re seeing a possibility of (earning a) revenue from e-Sabong while still being able to meet the need of the bettors to play the game safely in the confines of their cell phones or laptops.”