Lolo matiyagang pinapayungan ang apo na nag-aaral, nagtitiis para makasagap ng malakas na signal

  • Isang guro mula Catanduanes ang nakakita sa mag-lolo habang sila ay nasa gilid ng kalsada
  • Ang apo ay nagsasagot ng kanyang module habang ang lolo naman ay matiyagang pinapayungan ang apo dahil umuulan
  • Sa kuwento nila, mahina ang signal sa kanilang lugar at pahirapan din sa kuryente kaya naman ginagawa nila lahat ng paraan upang makapag-aral

Matatandaan na maraming social media posts ang nag-viral noong nakaraang taon nang magsimula ang modular at distance learning dahil sa mga paghihirap at sakripisyo ng mga mag-aaral, kanilang mga magulang, at mga guro.

Imahe mula kay Jorge Estrada Tejada via Facebook

Subalit pagkatapos ng halos isang taon ay tila walang nagbago sa sitwasyon ng bansa pagdating sa sistema ng edukasyon. Isang patunay dito ay ang viral Facebook post ng isang guro sa Catanduanes tampok ang mag-lolo na nagtitiis sa ilalim ng ulan, makakuha lang ng malakas na signal para sa pag-aaral.

Sa Facebook post ng Senior High School Teacher na si Jorge Tejada, naabutan niya ang mag-lolo sa liblib na bahagi sa pagitan ng Barangay Genitligan, Baras at Dororian, Gigmoto, Catanduanes.

Nakita niya ang 71-anyos na si Arnulfo Teves at ang apo nito na si Daniel, 12 anyos, isang Grade 7 student. Matiyagang pinapayungan ng lolo ang kanyang apo at tinutulungan din niya ito sa module na sinasagutan ng estudyante.

Imahe mula kay Jorge Estrada Tejada via Facebook

“Bagamat medyo umaambon at mahangin sa lugar, hindi natitinag ang dalawa para matapos masagutan ang modyul ng apo,” kuwento ni Teacher Jorge. Humingi umano ito ng pahintulot sa lolo upang sila ay kuhanan ng larawan, “agad naman siyang tumango at sabay sabi ng: ‘I-post mo po Sir, para malaman nila kung ano ang sitwasyon natin dito sa Catanduanes, pahirapan ang signal ng selpon.'”

Sa panayam ng Bayan Mo, Ipatrol Mo kay Lolo Arnulfo, sinabi nitong araw-araw silang pumupunta sa nasabing lugar kung saan sila nakita ni Teacher Jorge. Tinitiis nilang maglakad ng 30 minuto mula sa kanilang bahay papunta rito dahil malakas ang signal dito para magamit sa pagri-research ng apo.

Imahe mula kay Jorge Estrada Tejada via Facebook

“Tapos walang kuryente dito sa amin, magpapa charge ka, 15 ang singil kung magpapa charge ka doon sa may generator,” kuwento pa ng lolo na bumubuhay sa isa niyang anak na PWD at tatlong apo. Sinisikap umano nila ng kanyang asawa na pagkasyahin ang natatanggap nilang pension kada buwan na nagkakahalaga lamang ng P5,300.

“Mahirap. Oo mahirap. Pero kailangan kayanin natin dahil may mga batang pilit rin na kinakaya ang mahirap na sistema at kondisyon na meron tayo ngayon,” ang mensahe naman ni Teacher Jorge.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: