Lalaki nakabili ng bisikleta dahil sa tiyaga at sipag sa pag-iipon ng barya

Imahe via Bike Bike Bike Bacoor Cavite | Facebook
  • Gamit ang “barya challenge” nakabili ng bike ang isang lalake
  • Bukod sa tiyaga sa pag-iipon ito rin ay bunga ng pagkakaroon niya ng ambisyon sa buhay
  • Alamin ano ang sikreto niya kung bakit kahit may mga responsibilidad siya ay nagawa pa rin niyang makapag-ipon

Isang nakai-inspire na kuwento ang pinag-usapan sa social media. Ito ay ang pagbili ng isang lalake ng bisikleta gamit ang mga inipong barya.

Imahe via Bike Bike Bike Bacoor Cavite | Facebook

Disiplina at tiyaga ang ipinamalas ni Alejandro V. Colcol para lamang mabili ang pinapangarap na bike. Hunyo 2020 nang simulan niya ang “barya challenge” kung saan lahat ng baryang napupunta sa kanya ay itinatabi niya. Sampung buwan din ang binilang niya hanggang sa dumating ang Abril 8 na ika-24th kaarawan niya at nabili din niya sa halagang P15,900 ang gravel bike sa Bike Bike Bike, isang shop ng mga bisikleta sa Bacoor, Cavite.

Paano nga ba sinimulan ni Alejandro ang challenge na ito at ano ang nag-udyok sa kanya na gawin ito?

Sa panayam ng Kicker Daily News sa kanya, 17 taong gulang pa lamang siya nang sinabi niya sa sarili na nais niyang may marating siya sa buhay.

“I want to have this and that and also to share my blessings.”

At sa edad na ito ay nagsimula na siyang magtrabaho para makatulong sa pamilya.

Imahe via Alejandro V. Colcol | Facebook

Marami ang naging sakripisyo ni Alejandro para sa kanyang pag-iipon.

“Kahit may mga gala, minsan di na sumasama. Or may nakitang sale na shoes or damit na gusto ko, hinahawakan ko lang then ina-absorb ‘yung positive vibes na someday, kaya ko tong bilhin na ‘di umaaray sa price,” kuwento niya sa KD.

Inuuna niyang itabi ang mga gastusin para sa mga pangangailangan niya gaya ng bayad sa tubig, kuryente at pagkain dahil iyon ang kontribusyon niya sa kanilang bahay. Nagtatabi rin siya para sa kanyang mga investment at insurance. Saka na siya nag-iipon para sa mga luho.

Kaya para sa mga nais din makaipon kagaya niya, may payo si Alejandro.

“Unahin ang responsibilities before anything else na gastos. Prioritize ano ba talaga gusto mo. And just set your mind to it. Ang pag-share ng mga pictures ng pera at ginto sa FB ay hindi paraan para magkapera at makaipon.”

Imahe via Alejandro V. Colcol | Facebook

Dagdag pa niya na dumiskarte raw nang tama. Gamitin ang mga abilidad at talento para magkapera at makaipon lalo na sa sitwasyon natin ngayon. Higit sa lahat, unahin daw natin ang Panginoon.

“Unahin mo si God. Dahil lahat ng blessings nanggagaling sa kanya. Yun ang tunay na law of attraction. Pag inuna mo si God, ma-attract mo ‘yung mga ninanais ng puso mo. At huwag mainggit. I-inspire mo lang ang sarili mo.”

Kayo? Ano ang diskarte n’yo sa buhay para makaipon?