Lalaki ibinalik ang napulot na car keys: ‘Sobrang dali itakbo ng sasakyan but some people choose to do the right thing’

  • Viral ngayon sa social media ang kuwento ng isang netizen tungkol sa kanyang karanasan matapos mawala ang susi ng kotse
  • Ayon sa netizen, ilang oras na ang nakalipas nang mapagtanto niyang nawawala ang kanyang car keys
  • Nang puntahan niya sa parking lot, naroon pa ang kanyang kotse na may nakaipit na note mula sa lalaking nakapulot ng kanyang susi

“Faith in humanity restored!”—ito ang naibulalas ng isang netizen matapos niyang ibahagi sa Facebook ang viral ngayon na kuwento tungkol sa kanyang karanasan. Naiwala kasi ng netizen ang susi ng kanyang kotse, subalit natagpuan pa rin niya ang kotse kasabay ng kabutihan at katapatan ng isang tao.

Imahe mula kay Ces Bagunu via Facebook

Sa Facebook post ni Ces Bagunu, ikinuwento niya kung paano niya nawala ang susi ng kanyang Chevrolet na sasakyan.

“Sa sobrang dami kong bitbit, di ko napansin I dropped my car keys. Since 8AM tapos narealize ko nawawala susi ko around 2PM na,” ani ng uploader.

Kuwento ni Ces, umaga nang makarating siya sa kanilang opisina sa Laguna, subalit saka pa lamang niya napansin na nawawala ang susi ng kotse noong uuwi na siya bandang hapon. At dahil walang nag-report sa security ng building na may napulot na car keys, agad na pinuntahan ni Ces sa parking lot ang kanyang kotse.

Nang marating ang parking lot ay nakita pa rin niya ang sasakyan, “naiyak po talaga ako, kasi no’ng tumatakbo pa lang po ako papunta sa kotse, umiiyak na ko.” Sa windshield ay may natagpuan umano siyang note.

“Hi Sir & Ma’am, baka po sa inyo yung susi napulot ko. Tawag po kayo para masabi ko sa inyo kung saan ko nilagay. Salamat po,” ang nakasaad sa note kasama ang numero ng lalaki na nakapulot ng susi.

Imahe mula kay Ces Bagunu via Facebook

“Sobrang thankful namin kay kuya na nakapulot! Imagine, kahit sobrang hirap ng buhay ngayong pandemic, some people still choose to do the right thing—to help others. Sobrang dali itakbo ng sasakyan, nasa yo na susi and all tapos nasa open parking pa,” ani pa ng uploader.

Nang tawagan ni Ces ang lalaki ay itinuro nito kung saan niya itinago ang natagpuang susi, “buti na lang car ko po ‘yung nag-iisang Chevy sa parking lot. Tinago niya po sa parang butas sa gilid ng parking lot ‘yung susi, tinakpan niya ng madaming dahon para wala pong makakita.”

Inalok umano ng uploader ang good samaritan ng cash reward, subalit tinanggihan niya umano ito, “we tried to reach out para makapag share lang po ng appreciation sa kanya, pero ang sabi niya po sa’min, ipagpasalamat po namin kay Lord na sa maayos napunta ‘yung susi ng car ko.”


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: