
- Sa kabila ng hirap sa buhay, nagawa ng isang lolo na matupad ang kahilingan ng apo na magkaroon ng kanilang swimming pool
- Ang lolo kasi na skilled carpenter ay gumawa ng do-it-yourself swimming pool gamit lamang ang tarpaulin at mga puno ng saging
- Lubos naman ang galak ng mga apo ng lolo dahil kahit papaano ay naranasan nilang lumangoy
Tuwing summer, madalas na pumunta sa mga resort ang mga pamilyang Pinoy o kahit magkakaibigan upang mag-swimming. Nakasanayan na ng marami ang lumangoy sa dagat man o swimming pool upang kahit papaano ay mapawi ang init ng panahon sa bansa.

Subalit dahil sa nagaganap na pandemya, maging ang mga aktibidad ng Pinoy tuwing summer ay sumailalim sa new normal. Marami ang napilitan na ikansela muna ang kanilang taunang swimming kasama ang kapamilya o kaibigan. Habang ang iba naman ay gumawa na lang ng sariling paraan upang kahit papaano ay makapag-swimming pa rin.
Tulad ng maraming Pinoy, nais din ng apo ni Lolo Edgar Guiyab Paet mula Cagayan Valley na makapag-swimming ngayong summer. Subalit imbes na pumunta sa resort, hiniling ng kanyang apo na magkaroon sila ng sariling swimming pool sa bakuran.
Ayon sa kuwento ng mga opisyales ng Department of Social Welfare and Development na sina Red-gelo Agbayani at Teresa Pineda, kasalukuyan silang dumadalaw sa mga benepisyaryo ng kanilang programa nang marating nila ang bahay ni Lolo Edgar na benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program).

Sa bakuran ng nasabing lolo sa may Barangay Baybayog, Alcala, Cagayan Valley ay nakita nila ang “do-it-yourself” swimming pool kung saan masayang naliligo ang mga bata. Ito umano ay ginawa ni Lolo Edgar na isang karpentero.
Ang DIY swimming pool ay gawa sa lumang tarpaulin at mga puno ng saging. Kuwento ni Lolo Edgar, hiniling umano ng kanyang apat na taong gulang na apo na si Princess Paet na magkaroon ng swimming pool bilang regalo sa kanya.
Bagama’t hirap sa buhay at hindi makabili ng inflated swimming pool, gumawa na lang umano ng paraan si Lolo Edgar upang kahit papaano ay matupad ang kahilingan ng apo.
“Kahit anong hirap ng buhay kung para sa pamilya ko, lalo na para sa apo ko, gagawin ko lahat ng makakaya ko,” ani Lolo Edgar.