It’s mango season! Homegrown green mangoes, libreng ipinamimigay sa Surigao City

  • Tuwing buwan ng Abril at Mayo ay kalimitang nagbubunga ang maraming puno ng mangga sa bansa
  • Sa Surigao City, isang residente ang libre lamang na ipinamimigay ang kanyang mga sariling tanim na mangga sa kanyang mga kapitbahay
  • Sa dami kasi ng bunga ng puno ng mangga sa kanilang bakuran ay kalimitang nasisira at nasasayang lamang ito

Mahilig ka rin ba sa maaasim? Tiyak na hinding-hindi mo pinalalagpas ang buwan ng Abril at Mayo dahil ito ang mga panahon na namumunga ang maraming puno ng mangga dito sa bansa.

Imahe mula kay Joey Echin Deguito via Facebook

Sa probinsya ay kalimitang hinihingi lamang sa mga kapitbahay na may puno ng mangga ang mga bunga nito lalo na kung sobrang dami. Ang ilan naman ay nahuhulog na lamang ang mga bunga ng mangga at kung sino man ang nagnanais na pumulot nito ay hinahayaan lamang.

Kamakailan, umani ng libo-libong reactions ang post tungkol sa isang residente sa Surigao City, Surigao del Norte na libre na lamang ipinamimigay ang mga homegrown green mangoes sa kanyang mga kapitbahay.

Imahe mula kay Joey Echin Deguito via Facebook

Ipinaplastik ng dating seaman na si Joey Echin Deguito ang mga bunga ng mangga ng kanilang puno at saka ito isinasabit sa kanilang bakuran upang libreng makuha ng mga kapitbahay o kung sinumang mapapadaan.

Mango Overload: Kilo-kilong mangga, ipinamimigay na sa Ilocos Sur dahil sa sobrang supply

“Sa dami po ng mga bunga, nabubulok na lang po kaya naisipan ko po na ipamigay na lang,” ani Deguito na dati umano ay nagtitinda ng mga pananim, subalit dahil sa pandemya ay nawalan ng hanapbuhay. Gayunman, libre pa rin niyang ibinibigay ang mga tanim na mangga.

Imahe mula kay Emmylou Arruejo Jomero via Facebook

Hinangaan naman ng maraming netizen ang pagiging mapagbigay sa kapwa ni Deguito.

“Tunay na Pilipino. Noong panahon naming mga seniors, nagbibigayan din magkakapitbahay, sarap ng feelings ng nagmamalasakitan,” ani ng isang netizen.

Matatandaan na noong 2019, nag-viral din ang libreng pamamahagi ni Emmylou Arruejo Jomero ng mga hinog na mangga sa Ilocos Sur dahil na rin sa dami ng supply nito. Nakaplastik din ang mga ito at isa-isang isinabit sa gate upang kunin ng mga kapitbahay o kung sino man ang may gusto.