
- Sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ay pinapayagan na ang oper
asyon ng mga pampublikong transportasyon sa limitadong dami ng pasahero - Aminado naman ang mga jeepney drivers na walang contact tracing na nagaganap basta’t sumusunod sila sa health and safety protocols
- Ayon naman sa health expert, mahalagang magkaroon ng sistematiko at standard contact tracing ang bansa
Sa mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus kamakailan, balik operasyon na ang ilang pampublikong transportasyon tulad ng jeepneys basta’t susunod ito sa limitadong dami ng tatanggapin pasahero at ang pagpapatupad ng health and safety protocols.

Subalit napansin ng ilang pasahero na sumasakay ng jeep ang kawalan umano ng contact tracing lalo na at marami at magkakaibang pasahero ang araw-araw na sumasakay dito.
Sa panayam sa isang commuter ng ABS-CBN News, napansin nila na walang pinipirmahang form sa loob ng mga jeepney para sa contact tracing. Kaya naman nagdodoble ingat na lamang sila tuwing sumasakay at nag-aabot ng bayad.
Aminado naman ang jeepney drivers na walang naipatutupad na contact tracing para sa mga pasaherong sumasakay ng kanilang jeep. Subalit sumusunod naman umano sila sa health protocols tulad ng paglalagay ng dividers, pagdi-disinfect, at pagkakaroon ng alcohol sa jeep.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kinakailangan na magbigay ng form ang jeepney drivers na sasagutan ng kanilang mga pasahero para sa contact tracing.
Sa ngayon ay tinatanggap pa ng LTFRB ang mano-manong pagsusulat sa logbook ng mga pasahero subalit hinihikayat nila ang mga ito na mag-download ng StaySafe app.
Para sa ilang health experts, tila “ningas kugon” ang nangyayaring contact tracing sa bansa at maski ang iba’t ibang contact tracing app ng mga local government unit.

Ayon kay Dr. Maricar Limpin, kailangang maging standard ang contact tracing sa bansa at hindi magkakaiba kada lungsod. “Hindi yung pagpunta mo sa Quezon City, pag pumunta ka ng Manila, o kaya sa Mandaluyong, Makati… iba-iba,” ani Dr. Limpin.
Ini-impound naman ang mga mahuhuling hindi sumusunod sa health and safety protocols na mga pribado at pampublikong sasakyan tulad ng mga van na siksikan ang mga pasahero.