Guro mula sa Ilocos Sur naghatid ng good vibes sa netizens dahil sa ‘prank examination’

Imahe mula kay Bless Anne de Peralta vai Facebook
  • Kinaaliwan sa social media ang ibinahagi ng isang estudyante mula Ilocos Sur tungkol sa kanilang karanasan sa isinagawang ‘pagsusulit’ ng guro
  • Ang akala nilang midterm examination ay isa lang palang prank na ginawa ng kanilang guro
  • Ayon sa guro, nagawa niya iyon upang kahit papaano ay mawala ang pressure at stress ng mga estudyante

Normal sa mga estudyante o taong sasailalim sa pagsusulit ang makaramdam ng kaba at takot dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari. Maaaring kulang ang kanyang ginawang pagre-review o masyadong nape-pressure para pumasa sa pagsusulit.

Imahe mula Freepik

Kaya naman imbes na bigyan ng nakatatakot na pagsusulit ang kanyang mga estudyante, naisipan ng isang university professor sa Ilocos Sur na bigyan ng leksyon ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasagawa ng prank.

Sa ibinahaging Facebook post ni Bless Anne De Peralta, mag-aaral mula sa University of Northern Philippines, ikinuwento niya ang isinagawang on-the-spot “midterm exam” ng kanilang guro na si Prof. Michael Manzano.

Subalit ang inakala nilang nakakakabang on-the-spot midterm exam ay isa lang palang prank ng kanilang prof.

“Thank you so much, Sir Michael. P.s: mapapa sana all na lang talaga kayo,” ang inilagay na caption ng college student.

Imahe mula Facebook

Makikita sa larawan na kanyang ibinahagi ang nakasulat sa link na siyang inakala nilang sasagutan bilang “midterm exam” ni Prof. Michael.

“Iza prank! Wala nga tayong exam! Hahaha. Dahil nakapunta ka na dito, ‘wag mong sabihin sa mga classmates mong hindi pa naopen ‘to para makabawi ka,” ang nakalagay na mensahe.

Ayon naman kay Prof. Michael, ginawa niya ang exam prank upang kahit papaano ay bawasan ang nararamdamang pressure at stress ng kanyang mga estudyante.

“Since exam week kasi namin, naisip ko na mastress na naman ‘yung mga students so I decided to give them some motivation para malift ‘yung mental health nila,” ani Prof. Michael na nagtuturo ng physical education.

Hinikayat din ng guro ang ibang mga estudyante na huwag kalimutang mag-relax upang makapag-focus sa tuwing darating ang kanilang examination week, “take a deep breath and say: Basic lang ‘yan.”