Doris Bigornia matapos ang operasyon: ‘Hindi ko alam kung paano ko kayo pasasalamatan

Imahe kuha mula sa video ng TeleRadyo
  • Matapos ang kanyang matagumpay na operasyon, nakauwi na sa kanilang tahanan ang journalist na si Doris Bigornia
  • Sa unang pagkakataon ay lumabas siya sa programang TeleRadyo upang magbigay ng update tungkol sa kanyang kondisyon
  • Humingi ng pasasalamat si Doris sa lahat ng sumuporta sa kanila at nagbigay ng panalangin at pinansyal na tulong

Noong nakaraang Pebrero nang dalhin sa ospital ang beteranong journalist na si Doris Bigornia dahil sa matinding karamdaman sa puso. Agad siyang dinala sa intensive care unit (ICU) upang sumailalim sa open-heart surgery.

Imahe mula Facebook

Pagkatapos ng ilang linggo, sinabi ng kanyang panganay na anak na si Nikki na nasa mabuting kalagayan na ang 55-anyos na ABS-CBN News reporter, subalit kinakailangan pa nitong sumailalim sa operasyon at lagyan ng pacemaker bilang rekomendasyon ng mga doktor.

Gamit ang hashtag na “Funding Doris,” bumuhos ang tulong para sa beteranong journalist upang magtuloy-tuloy ang paggaling nito. At kamakailan nga ay nakauwi na ito sa kanilang bahay pagkatapos ng kanyang mga matatagumpay na operasyon.

#FundingDors: Anak ni Doris Bigornia, humingi ng tulong pinansyal para sa P1.5M medical expenses ng kanyang ina

Sa unang pagkakataon simula noong dalhin siya sa ospital, lumabas sa programang SRO ng TeleRadyo si Doris upang magbigay ng update tungkol sa kanyang kalagayan. Mayroong medical gauze sa leeg ni Doris at aniya, pinagbabawalan muna siyang tumawa nang malakas.

Imahe kuha mula sa video ng TeleRadyo

Ani Doris, bukod sa ginawang  triple heart bypass surgery ay kinakailangan din niyang sumailalim sa regular dialysis.

“Mahirap ‘yung dialysis, pero BFF ko na ngayon ang dialysis kasi siya rin ang sumasalba sa buhay ko,” pabiro pang sinabi ng ABS-CBN reporter.

Hindi naman niya nakalimutang magbigay ng pasasalamat sa lahat ng nagbigay ng tulong sa kanya at kanyang pamilya noong nasa ospital siya. “Hindi ko alam kung paano ko po kayo pasasalamatan.”

Imahe kuha mula sa video ng TeleRadyo

Todo ang pasasalamat ni Doris sa tulong pinansyal at panalangin na ibinigay sa kanya ng mga kapamilya, kaibigan, katrabaho, at sa lahat ng taong nag-alala para sa kanyang kalagayan.

“Pasalamatan ko rin… ang mga tumulong at nanalangin na ating mga Kapamilya sa lahat ng sulok ng daigdig – America man, Canada, Australia… Europa. Talagang lahat sila, nanalangin para sa atin,” dagdag pa ng Mutya ng Masa.