
- Sinagot ni Donnalyn Bartolome ang isang netizen matapos itong mag-comment sa kanyang throwback photo
- Ayon kasi sa netizen, dapat ay magkaroon na ng anak si Donnalyn dahil mahirap ang magkaanak kapag tumanda na
- Sinabi na aktres na mas magandang magkaanak kapag nais nang maranasan ito, hindi upang gawing ‘retirement plan’ ang mga anak
Hindi na bago para sa mga kilalang personalidad lalo na ng mga artista na makabasa ng mga hindi magagandang komento sa kanilang social media. Madalas na hindi na pinapansin ng mga artista ang bashers na pumupuna sa kanila, subalit minsan naman ay sumasagot na sila sa mga ito lalo kung hindi katanggap-tanggap ang kanilang mababasa.

Kamakailan ay nag-trending ang reply ng aktres at singer na si Donnalyn Bartolome sa isang netizen na nagkomento sa throwback photo na ibinahagi niya sa Facebook.
Umabot sa mahigit 177,000 reactions ang post ni Donnalyn na kanyang larawan noong siya ay 17 anyos pa lang. Ngayon ay 26-anyos na ang actress-singer at marami sa mga nagkomento na netizens ang nagsabing walang pinagbago ang kanyang hitsura.
Subalit isang komento ang pumukaw sa atensyon ng maraming netizen at maski si Donnalyn. Ayon kasi sa komento ng isang lalaki: “Mag-anak ka na mahirap tumanda nang walang anak,” agad naman na sumagot dito ang aktres.

“Mas mahirap tumanda na gagawing retirement ang mga anak. Have children because you want to experience the joys of being a parent. Not with the intention of obligating them of responsibility that isn’t theirs,” ayon sa reply ni Donnalyn.
Nagbigay din siya ng payo na bukod sa pagkakaroon ng anak, magandang mag-invest muna sa business, health at life insurance. “Overpopulated naman na din tayo. Mag-aso o pusa ka na lang,” dagdag pa ng aktres.

Bukod sa pagkakaroon ng anak, may isa pang netizen na nagkomentong mag-asawa na rin si Donnalyn, “mag-asawa ka na, Dona. Mahirap tumanda mag-isa,” na sinagot naman niya ng: “mas mahirap tumanda na mali ang pinakasalan.”
Bagama’t sinagot ang ilang netizens, sinabi naman ni Donnalyn na walang samaan ng loob, “pero tropa tayo dito, just sharing our thoughts no hard feelings promise, promise.”